Nakaw

Ninakaw na MC binenta sa FB, suspek huli

261 Views

KAMPO HENERAL MALVAR, Batangas — Nahuli ng kapulisan noong Lunes ang isa sa mga suspek na nagnakaw ng motorsiklo sa New Metro Darasa Cockpit Arena, Brgy. Darasa, Tanauan City, Batangas.

Ang biktima ay kinilalang si alyas Mauro, 47, may asawa, tricycle driver at residente ng Brgy. Turbina, Calamba City, Batangas.

Ang isa sa mga suspek na nasakote ay kinilalang si alyas John, 30, may asawa, residente ng Brgy. San Bartolome, Sto. Tomas City, Batangas. Tinitugis pa ang kanyang kasama na alyas Raniel, 27, may asawa, walang trabaho ng Brgy. San Vicente, Sto. Tomas City, Batangas.

Ayon sa report ng biktima sa mga imbestigador ng Tanauan City Police Station (CPS), ang kanyang Kawasaki Barako na motorsiklo na may sidecar (2237WF), ay ninakaw mula sa cockpit arena parking area bandang 3:30 ng umaga noong Lunes.

Kalaunan ay nakita ng biktima ang isang motorsiklo na tumutugma sa kanyang sasakyan base sa paglalarawan na naka-post sa Facebook Marketplace.

Humingi siya ng tulong sa mga pulis at nakipagkita siya bandang 10:30 ng gabi sa nagbebenta ng nasabing motorsiklo sa Brgy. Población 1, Tanauan City, na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek at sa pagbawi ng nasabing motorsiklo.

Hindi natagpuan ang sidecar.

Sa panahon ng pag-aresto, marahas umanong nanlaban ang suspek at sinubukang salakayin ang mga opisyal, ngunit nagawa siyang mapasuko.