PUV File photo ni JONJON C. REYES

Mas malawak na ayuda PUV drivers, transport coops hiniling

149 Views

NAGBABALA si Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros sa posibleng paralisis sa public transport system kung hindi agad mapapalawak ang tulong-pinansyal para sa mas maraming public utility vehicle drivers at transport cooperatives na matinding apektado ng nagpapatuloy na krisis sa langis.

Sa liham na may petsang Marso 19, hiniling ni Hontiveros sa Department of Budget and Management na linawin kung paano maaaring i-repurpose ang P30 bilyong pondo sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations program ng Department of Social Welfare and Development upang maabot ang daan-daang libong PUV drivers at mga miyembro ng transport cooperatives, kabilang ang mga hindi kabilang sa “poorest of the poor.”

“Sumulat tayo sa DBM para magtanong at maniguro sa agarang pag-abot ng tulong sa PUV drivers at transport coop members mula sa P30 billion na naset-aside para sa transport sector. Hirap kumita at baon na sa utang ang ating mga tsuper, at nasuspinde pa ang P1 fare hike. Huwag nating hintayin na maparalisa ang buong public transport system bago tayo tumulong,” ani Hontiveros.

Sinabi ni Hontiveros na dapat umabot ang tulong ng pamahalaan sa mga PUV driver sa lahat ng antas, dahil kahit ang mga hindi kabilang sa “poorest of the poor” ay nangangailangan pa rin ng agarang dagdag na kita. Ayon pa sa kanya, ipinakita ng inisyal na technical review na ang kasalukuyang presyo ng langis ay nagdudulot ng mahigit P1,000 na arawang kakulangan kada sasakyan, kahit isama pa ang pinagsamang epekto ng suspensyon ng excise tax at kasalukuyang fuel subsidy.

Idinagdag pa niya na dapat ding tumanggap ng suportang pinansyal ang transport cooperatives dahil marami sa mga ito ang hindi na kayang tustusan ang gastos sa langis para mapatakbo ang buong fleet sa kanilang mga arawang ruta. Dahil dito, malayo sa normal na kapasidad ang kanilang operasyon, habang ang ilang tsuper ay mas kaunti ang biyahe o hindi na nakabibiyahe.

“Sa ngayon, walang ayuda ang idadaan sa transport cooperatives, kaya tuloy natetengga ang kanilang mga tsuper, lalo na ngayong inatras pa ang fare hike. Kailangan natin sila suportahan bilang transport service providers, hindi lang bilang persons in a crisis situation,” dagdag niya.

Nanawagan din si Hontiveros ng suporta para sa kanyang panukalang supplemental budget bill para sa P52.8 bilyong subsidy package, na kinabibilangan ng P12 bilyong transport subsidy para sa PUV drivers, kabilang ang delivery riders at Transport Network Vehicle Service drivers. Bahagi rin ng subsidyong ito ang pondo para sa pinalawak na service contracting program sa ilalim ng Department of Transportation.

“We need to drastically expand the subsidies being provided to our kababayans in this difficult time. Hindi imposible ang pagpasa at paghahanap ng pondo para sa supplemental budget, kaya dapat natin iyang pag-aralan at pagsikapan,” aniya.