Calendar
LTFRB pinaigting kampanya kontra bulok na sasakyan, 10 PUJ iisyuhan ng SCO
ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kaligtasan sa kalsada at unahin ang kapakanan ng mga mananakay, maglalabas ng show cause order (SCO) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, laban sa mga operator ng hindi bababa sa 10 pampasaherong jeepney bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra sa mga bulok na pampublikong sasakyan.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pagpapalabas ng SCO ay bahagi ng mga biglaan at sorpresang inspeksyon sa mga bus at PUV terminal upang higit pang mapaunlad ang pampublikong transportasyon sa bansa.
“Ito ay magsilbing matibay na mensahe na seryoso at determinado ang LTFRB sa ating deklarasyon na hahabulin natin ang mga bulok na PUV at mga terminal na may sira at hindi maayos na pasilidad,” ani Chairman Mendoza.
Noong Pebrero 10, nagsagawa ng inspeksyon ang LTFRB sa West Avenue, Fernando Poe Jr. Avenue, at Roosevelt sa Quezon City kung saan natuklasan ang 10 pampasaherong jeepney na nakaparada sa gilid ng kalsada.
Binigyang-diin ni Chairman Mendoza na patunay ito ng kawalan ng itinalagang garahe para sa mga jeepney, na malinaw na paglabag sa Memorandum Circular (MC) No. 2017-027. Pinagsabihan din ang ilang tsuper na hindi nakasuot ng tamang uniporme at pinaalalahanan hinggil sa polisiya sa maayos at presentableng pananamit.
Nagpadala rin ng hiwalay na grupo sa Eton Centris, Quezon City upang paalalahanan ang operator ng terminal na pagbutihin pa ang pasilidad para sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.
“Kasabay nito, sinuri ang mga PUV unit at natuklasang may mga depektibong brake lights, sirang upuan, at kisame,” dagdag ni Chairman Mendoza.
Sa kabuuan, hindi bababa sa 87 bus at PUV terminal sa buong bansa ang nabigyan ng SCO at notice of violation bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng LTFRB laban sa mga bulok na sasakyan at pasilidad.
Tiniyak ni Chaiman Mendoza na magpapatuloy ang agresibong kampanya upang mapangalagaan ang interes ng milyun-milyong Pilipinong mananakay.

