LTO1

LTO nagpatupad ng libreng medical, courier fees para sa pagrenew ng lisensya ng mga OFW

291 Views

BILANG tulong at pagkalinga ng gobyerno sa mga OFW, naglabas ng memorandum ang Land Transportation Office (LTO) na nag-aalis ng bayad sa medical examination at courier service para sa mga overseas Filipino worker na magre-renew ng kanilang Philippine driver’s license sa pamamagitan ng mga serbisyong isinasagawa sa ibang bansa.

Saklaw ng programa ang mga OFW na lumalahok sa mga caravan na pinangungunahan ng Overseas Workers Welfare Administration at ng Department of Migrant Workers sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa ilalim ng kaayusang ito, direktang nagbibigay ng serbisyo ang mga tauhan ng LTO sa mga host country upang iproseso ang renewal ng lisensya nang hindi na kinakailangang umuwi pa ng Pilipinas ang mga OFW.

Batay sa memorandum, kabilang sa libreng serbisyo ang kinakailangang medical examination at ang courier service para sa pagpapadala ng natapos na driver’s license mula sa Pilipinas patungo sa piling tanggapan ng OWWA o DMW, gayundin sa mga Embahada ng Pilipinas sa ibang bansa kung saan ito maaaring personal na kunin ng mga OFW.

Ayon kay LTO Assistant Secretary at Chief Markus V. Lacanilao, layunin ng programa na mabawasan ang gastos at abalang nararanasan ng mga OFW sa proseso ng pagrerenew ng lisensya.

“Ang ating mga OFW ay patuloy na nagsasakripisyo, malayo sa kanilang pamilya at mahal sa buhay, para sa ikabubuti ng bayan. Ang programang ito ay konkretong paraan ng pamahalaan upang ipakita na sila ay pinahahalagahan at hindi nakakalimutan, habang pinapadali ang proseso ng pagrerenew ng kanilang driver’s license,” sinabi ni Lacanilao.

Sa mga nakalipas na taon, umaabot umano sa ₱6,000 ang ginagastos ng mga OFW para sa medical at courier service kapag nagre-renew ng lisensya sa pamamagitan ng overseas processing. Sa ilalim ng bagong patakaran ng LTO, tuluyan nang inalis ang naturang mga bayarin.

Batay sa datos ng pamahalaan, milyon-milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa ibang bansa at regular na nakikipagtransaksyon sa mga ahensya ng gobyerno para sa mga dokumento at lisensya.

Sinabi ng mga opisyal na ang hakbang ay bahagi ng pagsisikap na gawing mas madali at mas abot-kaya ang pagkuha ng serbisyo ng gobyerno para sa mga migranteng manggagawa.

Patuloy umanong ipatutupad ng LTO ang libreng serbisyo sa pakikipag-ugnayan sa mga nakatakdang caravan ng OWWA at DMW sa iba’t ibang rehiyon sa buong mundo.