Sakay Source: DOTr FB

Gobyerno nagbigay ng libreng sakay para sa mga pasaherong apektado ng tigil-pasada nagbigay ng libreng sakay

Jun I Legaspi Mar 27, 2026
155 Views

MULING idineploy ang vehicle assets ng Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Philippine Coast Guard para magbigay ng libreng sakay sa mga pasaherong apektado ng tigil-pasada.

Katuwang ng DOTr ang iba pang government agencies sa pagbibigay ng libreng sakay, kabilang ang Office of the President, Office of Civil Defense, Philippine Army, Department of Energy at Philippine National Police.

Kasunod ito ng utos ng Pangulo na tiyakin na may masasakyan ang mga komyuter at tuloy-tuloy ang kanilang biyahe.

Binigyang diin ni Transportation Secretary Banoy Lopez na patuloy na gumagawa ng paraan ang pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mga pasahero.

“Sisiguruhin po natin na may masasakyan po ang ating mga pasahero ngayong may tigil-pasada. May sapat po tayong vehicle assets para maalalayan ang mga komyuter. At kami po sa DOTr ay lubos na nagpapasalamat sa lahat ng ahensya ng gobyerno na tumulong sa pagbibigay ng libreng sakay. Malaking bagay po ito para sa ating mga komyuter,” ani Sec. Lopez.

Magpapatuloy ang libreng sakay hanggang mamayang 8:00 p.m., na dadaan sa mga rutang Philcoa-Cubao, Welcome Rotonda-Cubao, Lawton-Welcome Rotonda, Lawton-PITX, Nagtahan- Cubao, Commonwealth-Fairview, Fairview-Quiapo, SM Masinag-Quiapo, Baclaran-Monumento (via Taft), Makati (One Ayala)-Muntinlupa (Starmall), at Heritage-Market! Market!