Calendar
LTFRB pinuri, pinasalamatan bus firm na may 10% disc sa pamasahe
PINURI ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bus company na magbigay ng 10% diskwento sa pamasahe sa lahat ng pasahero mula Biyernes Santo hanggang Abril 5.
Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, ang naturang hakbang ay nakasaad sa Board Resolution No. 114, Series of 2026, at saklaw ang operasyon ng mga pampasaherong bus sa ilalim ng Yanson Group of Bus Companies sa buong bansa.
Kabilang dito ang Vallacar Transit, Inc. na may mga ruta sa Visayas at Mindanao; Bachelor Express na may parehong ruta sa Visayas at Mindanao; Rural Transit Mindanao, Inc.; Mindanao Star Bus Transport Inc.; at Love Transport Express Mindanao na nag-ooperate sa Mindanao.
Kasama rin ang Southern Bus Star, Sugbo Urban Transit, at Lov Visayas Transport Express gayundin ang Golden Bus Transit at Ceres Transport na may operasyon sa buong bansa.
Ayon sa Yanson Group, ang pagbawas sa pamasahe ay bahagi ng kanilang pakikiisa sa panawagan ng bayanihan ng pambansang pamahalaan sa panahon ng Semana Santa.
Matatandaang nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa publiko na magtulungan upang maibsan ang epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Ipinatupad ng pamahalaan ang pamamahagi ng fuel subsidy para sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Pinuri ni Chairperson Mendoza ang Yanson Group sa kanilang hakbang na makatutulong sa mga mananakay.
“Kami sa LTFRB ay lubos na nagpapasalamat sa Yanson Group of Bus Companies sa pagbibigay ng tulong sa riding public,” sabi ni Mendoza.

