Chairman

Bahay ng bgy chairman pinaulanan ng bala, biktima nakaligtas

Roy Tomandao Apr 5, 2026
319 Views

Chairman1Chairman2Chairman3VICTORIA, LAGUNA — Isang insidente ng pamamaril ang naganap sa Barangay Masapang kung saan pinaulanan ng bala ang bahay ng Barangay Chairman na si Isko Agonia dakong alas-4:00 ng madaling araw nitong Linggo.

Sa kabila ng matinding putukan, himalang nakaligtas ang kapitan at ang kanyang pamilya na walang anumang tinamong pinsala.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya sa pamumuno ni Chief of Police Maj. Jose Wenie Tayactac, nakarinig ng sunod-sunod na putok ng baril sa harap ng tahanan ni Agonia.

Agad na tumakas ang mga hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng isang motorsiklo patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.

Sa isinagawang pagsusuri ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nakarekober ang mga awtoridad ng humigit-kumulang 12 basyo ng kalibre .45 na kasalukuyang sumasailalim sa masusing imbestigasyon bilang bahagi ng ebidensya sa insidente.

Patuloy namang inaalam ng pulisya ang posibleng motibo ng pamamaril, kabilang na ang anggulong may kaugnayan sa pulitika o sa kampanya kontra ilegal na droga ng biktimang kapitan sa kanilang barangay.

Hindi rin isinasantabi ang iba pang posibleng dahilan na maaaring magbigay-linaw sa insidente.

Sa kasalukuyan, sinusuri na ng mga awtoridad ang mga kuha ng CCTV sa mga posibleng dinaanan ng mga suspek upang agad silang matukoy at maaresto.

Nanawagan naman ang pulisya sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyon na makakatulong sa mabilis na paglutas ng kaso.