Suspek

Bagong modus ng Gapos Gang: Magdadala ng b-day cake, sabay target itatali, nanakawan

93 Views

GINAPOS at pinagnakawan ang isang lola at kaniyang dalawang apo ng mga magnanakaw na may dalang birthday cake.

Isa sa mga suspek ang natimbog na at kinilala sa alyas na “Regin,” residente ng Brgy. Commonwealth.

Ayon sa pulisya, isang babaeng suspek ang kumatok sa bahay ng mga biktima at nagpakilalang may dalang cake na umano’y galing sa alkalde. Nang pagbuksan, biglang pumasok ang mga kasabwat—apat na lalaki at isa pang babae—na armado ng baril.

Tinutukan, ginapos at tinakpan ng tela ang mukha ng mga biktima bago tinangay ang mga ari-arian kabilang ang dalawang motorsiklo (Yamaha Aerox at Nmax), isang pulang Mazda sedan, mga cellphone, laptop, CCTV DVR, relo, alahas, isang iPhone 14 Pro Max, at ₱80,000 cash. Tumakas ang mga suspek sakay ng puting Toyota Innova.

Agad nakawala ang mga biktima at humingi ng tulong sa seguridad ng subdivision na nakipag-ugnayan sa barangay at pulisya.

Sa imbestigasyon, natukoy sa CCTV ang plaka ng getaway vehicle at napag-alamang nirentahan ito ng suspek bago pinalitan ng pulang Toyota Vios. Sa tulong ng GPS tracker ng Vios, natunton ito sa Commonwealth Avenue kung saan naaresto si “Regin.”

Narekober sa kanya ang isang baril na may limang bala at ilang gamit ng mga biktima.

Nakilala rin ang limang kasabwat na sina alyas “Herbert,” “Crispin,” “Chagibis,” “Jeanalyn,” at “Jhen,” na pawang may mga naunang kaso. Patuloy ang manhunt laban sa kanila.

Haharap sa kasong robbery, carnapping at illegal possession of firearms ang naarestong suspek.