Calendar
23,176 huli sa Safer Cities na kampanya sa Calabarzon


CAMP POLICE BRIGADIER GENERAL VICENTE LIM, Calamba City, Laguna — Umabot sa 23,176 indibidwal ang naitalang lumabag sa unang linggo ng Safer Cities Initiative sa CALABARZON na isinagawa mula April 8 hanggang April 14, 2026, ayon kay Acting Regional Director Police Brigadier General Hansel M. Marantan.
Ang kampanya ay naglalayong itaguyod ang kaligtasan ng publiko, disiplina, at mahigpit na pagsunod sa mga umiiral na lokal na ordinansa.
Kabilang sa mga naitalang paglabag ang 5,883 na indibidwal na nahuli sa pag-inom ng alak at paninigarilyo sa pampublikong lugar, 2,838 na gumagala sa lansangan nang walang suot na pang-itaas, 437 sa paggamit ng videoke lampas sa itinakdang oras, 8,098 na menor de edad na lumabag sa curfew, at 4,980 na lumabag sa iba pang pinapatupad na ordinansa.
Sa kabuuang bilang ng mga lumabag, 17,098 ang binigyan muna ng babala at pinalaya, alinsunod sa direktiba ni Secretary of the Interior and Local Government (SILG) Jonvic Remulla, habang 6,062 ang pinagmulta, at 12 ang pormal na sinampahan ng kaso dahil sa mas mabibigat na paglabag.
Binigyang-diin ni PBGen Marantan na ang mga bilang na ito ay sumasalamin hindi lamang sa mas pinaigting na pagpapatupad ng batas kundi pati na rin sa pangangailangang higit pang palakasin ang kamalayan at pagsunod ng publiko sa mga umiiral na regulasyon.
Iginiit ni RD Marantan na mahalaga ang buong kooperasyon ng mamamayan upang makamit ang mas ligtas at maayos na mga pamayanan.

