Calendar
18 pasahero sugatan sa Labor Day road crash, operasyon ng jeepney suspendido
SINUSPINDE ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ang operasyon ng isang pampasaherong jeepney sa loob ng 30 araw matapos masangkot sa Labor Day road crash sa Cebu City.
Umabot sa 18 pasahero ang nasugatan sa insidente na kinasangkutan ng dalawang pampasaherong jeepney. Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, lumabas sa paunang imbestigasyon na may pananagutan ang isa sa mga driver dahil sa pagiging pabaya sa pagmamaneho.
“Ang insidente ay malinaw na paglabag sa mga pangunahing batas-trapiko at alituntunin sa kaligtasan sa kalsada. Ang video footage ay magsisilbing matibay na ebidensya sa imbestigasyon,” ani Chairman Vigor.
Batay sa CCTV na ngayon ay kumakalat online, nakita ang jeepney na pilit tumawid sa interseksyon ng Jakosalem at Gullas streets sa kabila ng pulang ilaw, dahilan upang mabangga ng isa pang jeepney at tuluyang tumagilid.
Sa inilabas na show cause order na nilagdaan ni LTFRB Regional Director Abosamen Matuan, inatasan ang operator ng jeepney na tumagilid na magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o kanselahin ang kanilang Certificate of Public Convenience (CPC).
Kailangan ding isumite ng operator ang lisensya ng driver at plaka ng jeepney na sangkot sa aksidente. Nakatakda ang pagdinig sa Mayo 18.
Samantala, inatasan ni Chairman Vigor si RD Matuan na tiyakin ang mabilis na pagproseso ng insurance claims para sa kapakanan ng mga nasugatang pasahero.

