Calendar
Parak sa PRO 4A nakasabat ng P1.2M droga


CAMP VICENTE LIM, Calamba City–Umabot sa 40 suspek sa iba’t-ibang krimen ang dinakip habang nagkakahalaga ng P1,251,036 ang mga droga na nakumpiska ng Police Regional Office 4A, ayon kay P/BGen. Hansel Marantan.
Isinagawa ang mga operasyon mula alas-6:00 ng umaga ng Abril 29 hanggang alas-6:00 ng umaga ng Abril 30, 2026 sa iba’t-ibang panig ng rehiyon, dagdag pa ng hepe ng PRO 4A.
Nakapagtala ang rehiyon ng 30 buy-bust at search operations at narekober ang 183.27 na gramo ng shabu at 40 gramo ng marijuana.
Bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng PRO 4A laban sa ipinagbabawal na gamot alinsunod sa direktiba ng Philippine National Police (PNP) sa pamumuno ni PNP chief PGen Jose Melencio Nartatez Jr.
“Ang tagumpay na ito ay nakabase sa PNP Focused Agenda na nakatuon sa pinalakas na intelligence operations, information-driven policing at agresibong aksyon,” pahayag ni P/BGen. Marantan.
Nasa kustodiya ng mga awtoridad at haharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga nahuling suspek.

