Calendar
Manila job fair sinaksihan ni Yorme, VM Chi
SINAKSIHAN nina Mayor Isko Moreno Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang Labor Day Job Fair sa Robinsons Manila na nilahukan ng mga kompanya na nag-alok ng trabaho sa mga tao.
Binati ng alkalde ang 39 na aplikante na natanggap sa inaplayang trabaho sa job fair na pinangasiwaan ng Public Employment Service Office (PESO) ng Maynila katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Robinsons Place sa Maynila.
Pinasalamatan din ni Mayor Isko ang isa sa mga kumpanya na nangangailangan ng ng 100 housekeeping, 30 gardener, limang human resource personnel, 10 administrative assistant at 15 sa maintenance, pati ang iba pang kompanya na may alok ding mga disenteng trabaho.
Bago magtungo ang alkalde sa job fair, pinuri niya ang mga manggagawang Pilipino.
“Sa inyong sipag, sakripisyo, at araw-araw na pagpupursige, patuloy na tumitindig ang ating mga pamilya, komunidad, negosyo, at buong bansa. Kayo ang dahilan kung bakit may buhay ang ating ekonomiya at may pag-asa ang bawat tahanan,” pahayag ng alkalde.
Bilang ama ng Maynila, malinaw ang kanyang tungkulin na lumikha ng mas maraming oportunidad, protektahan ang karapatan ng manggagawa at tiyaking ang serbisyo ng pamahalaan ay ramdam ng ordinaryong Pilipino.
