Gamot

Sakit ng kaluluwa diyos ang gagamot

Mar Rodriguez May 11, 2026
27 Views

PUMUNTA kamakailan sa Custodial Center ng San Juan City ang People’s Taliba at nakita ang 26 na preso na nakulong dahil sa theft, illegal gambling at illegal drugs.

Ang pagbisita sa kulungan ay bahagi ng kanyang apostolada bilang dominican laity at para mamahagi ng pagkain, mangaral ng salita ng Diyos para sa mga bilanggo.

Ipinasya niya na mas higit na dapat pagtuunan ng pansin ay ang sakit ng kaluluwa na sumisira sa ating pagkatao sa pamamagitan ng kasalanan.

Ang sakit ng katawan sa pamamagitan ng karamdaman ay kayang gamutin sa tulong ng medisina. Ngunit ang sakit ng kaluluwa dulot ng iba’t-ibang uri ng kasalanan ay hindi lamang sumisira ng ating pagkatao kundi inilalayo pa tayo nito sa Diyos.

Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Lucas 5:27-32) tungkol kay Levi na tinawag ni Jesus para sumunod sa kanya. Si Levi ay katulad din ng mga bilanggo na dinalaw ko sa San Juan City jail.

Bakit nga ba nagdurusa ang mga persons deprived of liberty sa iba’t-ibang bilangguan?

Sinubukang tumikim ng droga sa paniniwalang malilimutan ang mga problema hanggang sa hindi namamalayan ay unti-unti ng nalululong at nagiging sugapa.

Sinubukan ng isang tao na magsugal hanggang sa hindi niya napapansin na unti-unti na pala siyang nagiging sugarol at nagkabaun-baon sa malaking utang.

Ganito ang pambu-budol na ginawa ni Lucifer sa mga PDL sa San Juan City at kay Levi (isang tax collector).

Ano ang kinasangkapan ng kalaban para madaling maakit, masilaw at unti-unting mahulog sa kumunoy ng pagkakasala ang tao? Ito ay walang iba kundi ang kasakiman sa salapi.

Bakit natutong magnakaw ang ilang tao? Bakit ang buwis na binabayaran ng mga Judio ay pinapatungan ng sobra-sobra ni Levi?

Isang PDL sa San Juan ang aking nakausap noong mga oras na iyon at winika niya na: “Likas daw sa tao ang magkasala.”

Maaring tama si Kuya sapagkat paminsan-minsan ay nagkakasala ang tao dahil tayo ay hindi perpekto.

Subalit mayroon tayong obligasyon bilang mga Kristiyano ang sikapin na maging perpekto sa pamamagitan ng pag-iwas sa paggawa ng mga kasalanan.

Gawin natin ang lahat ng paraan upang tayo ay maging perpekto katulad ating Amang nasa langit. “Kaya maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:48)

Sinabi ko sa kapatid nating PDL na iyan ang “isinaksak” ng KALABAN sa utak ng tao na likas sa isang tao ang pagiging makasalanan.

Ang sabi ko sa kaniya, pinaniwala kayo ng demonyo na dahil natural lang sa tao ang magkasala. Napaniwala kayo na OK lang na gumawa ng gumawa ng kasalanan at tutal malupit naman ang mundo kaya sige lang. “enjoy lang tayo sa pagkakasala.”

Dahil sa “fake news” na inihahasik ng kampon ni Lucifer. Ang tanong: Saan ngayon dinala ang tao? Si kuyang PDL bakit ngayon nagdurusa sa bilangguan?

Kung para sa ibang tao ang mga PDL at si Levi sa Ebanghelyo ay ang mga taong itinuturing na salot sa lipunan.

“Kaya nagbulong-bulungan ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus. “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?” (Lucas 5:30)

Mayroon pang pag-asa ang mga taong nasadlak sa pagkakasala bagama’t para sa iba ang turing sa kanila ay mga patapon. Ang mga itinapon na ng lipunan sa mga kulungan ay tinatawag ngayon ng Diyos para ayusin muli.

Tanging si Jesus lamang ang makakalunas sa anumang karamdaman ng tao sa kaniyang espiritu.

Ang kinakailangan lamang niyang gawin ay aminin sa kaniyang sarili ang kaniyang mga pagkakasala at kahandaang talikuran ang kasalanan at sundan ang daan patungo sa pagbabagong buhay sa piling ni Jesus.