Calendar
Nagnakaw ng alahas, silver coins, kalaboso
KALABOSO ang inabot ng 21-anyos na pawnshop appraiser matapos umanong pagnakawan ng alahas at silver coins ang customer ng pawnshop sa Quezon City noong Sabado.
Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si alyas Edmar.
Sa ulat ng Anonas Police Station 9, nagpunta ang complainant sa pawnshop upang ipa-appraise ang dalawang gintong singsing, isang cut earring at 25 silver liberty coins.
Ngunit habang sinusuri ng biktima ang acknowledgement receipt at reference photos ng mga item, napansin nitong nawawala ang isang gintong singsing at ilang silver coins kaya humingi ng tulong sa security personnel ng establisimyento.
Rumesponde ang mga pulis at agad na inaresto ang suspek.
Narekober mula sa ziplock bag ng suspek ang siyam na silver liberty coins at isang gintong singsing na pinaniniwalaang kinuha sa mga item ng complainant.
Nabatid din na pineke umano ng suspek ang mga dokumento matapos mapag-alamang ang narekober na 18K gold ring ay may timbang na 3.82 gramo habang ang mga silver liberty coins ay tumitimbang ng 623.35 gramo.
Nasamsam din sa suspek ang karagdagang silver coins, commemorative coins, iba’t-ibang alahas at isang cut earring na may kabuuang appraisal value na tinatayang nasa P34,000.
Nahaharap ang suspek sa kasong theft at estafa/swindingling sa Quezon City Prosecutor’s Office.
