Calendar
LTFRB sinuspinde operasyon ng bus na sangkot sa pagkadedo ng 2 pasahero
SINUSPINDE ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30 araw ang operasyon ng 3 yunit ng kompanya ng bus matapos masangkot sa malagim na aksidente sa Juban, Sorsogon noong Mayo 11.
Dalawang pasahero ng pribadong sasakyan ang nasawi habang siyam ang malubhang nasugatan sa insidenteng naganap sa Brgy. Rangas sa Maharlika Highway.
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II, naglabas na sila ng show cause order laban sa Elavil Tours, Inc. para magpaliwanag sa pamamagitan ng notarized na sulat kung bakit hindi sila dapat patawan ng karagdagang parusa kaugnay ng aksidente.
Sa naturang kautusan, inatasan ang kompanya na isumite ang kanilang paliwanag at ipasailalim sa pagsusuri ang drayber upang matiyak ang kanyang kalagayang pisikal at mental noong oras ng aksidente.
Gusto din nilang malaman ng LTFRB kung ang bus ay regular na sumasailalim sa preventive maintenance at iba pang road worthiness test.
“Gusto rin naming tiyakin kung may updated insurance ang sasakyan dahil nais naming matulungan ang mga biktima sa mabilis na pagproseso ng insurance claims,” dagdag ni Mendoza.
Inatasan ang regional director ng LTFRB-Bicol na makipag-ugnayan sa mga insurance companies para sa agarang paglabas ng bayad sa mga biktima.
Pinagpapaliwanag din ang drayber kung bakit hindi siya dapat patawan ng kaukulang parusa.
Itinakda ang pagdinig sa Hunyo 1 sa LTFRB-Legazpi City.
