Yosi SOURCE: Larawan mula sa FB/PNP

P6M iligal na sigarilyo nakumpiska delivery vehicle sa Davao Or.; 2 driver huli

101 Views

DALAWANG lalaki ang naaresto matapos masabat ng mga awtoridad ang tinatayang ₱6 milyong halaga ng hinihinalang iligal na sigarilyo sa isinagawang operasyon sa Baganga, Davao Oriental nitong Martes, Mayo 12.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), naharang ang dalawang delivery vehicle na kargado ng samu’t saring master cases ng hinihinalang kontrabandong sigarilyo. Ang dalawang suspek, edad 42 at 33, ay kapwa driver ng mga nasabing sasakyan.

Lumabas sa paunang imbestigasyon na bunga ng surveillance operation ng pulisya ang pagkakasabat sa mga kontrabando. Pinangunahan ang operasyon ng Regional Special Operations Group 11 katuwang ang Baganga Municipal Police Station at iba pang yunit ng kapulisan.

Agad na inimbentaryo at minarkahan sa lugar ang mga nakumpiskang produkto ayon sa standard police procedures habang nasa kustodiya na ng Baganga MPS ang dalawang naarestong suspek para sa kaukulang kaso.

Ayon kay Chief PNP, Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., magpapatuloy ang operasyon laban sa ilegal na kalakalan na nakaaapekto umano sa seguridad at ekonomiya ng bansa.

“Patuloy nating paiigtingin ang operasyon laban sa mga ilegal na gawain na sumisira sa maayos na kalakalan at nakaaapekto sa seguridad ng ating mga komunidad,” ani Nartatez.