Calendar
Bgy, SK polls nararapat nang matuloy
NANG tanggapin ni Manila Mayor Isko Moreno ang P179.2 milyong pondo para sa “Bawat Barangay Makikinabang” (BBM) Socio-Civic Project, nagkaroon ng agam-agam na baka ibulsa raw ng mga tiwaling punong barangay ang bahagi ng pondo.
May mga nagsabi pang naglalaway na raw ang ilang tiwaling kabesa nang simulan ng ipamahagi ni Yorme Isko sa 896 na barangay ang tig-P200,000 para pantustos sa dalawang programang Bagong Pilipinas Barangay Scholars at sa mga prayoridad na Proyektong Pangkaunlaran na tutukuyin ng punong barangay.
Sa programang barangay scholars, baka mahirapang makanenok ang tiwaling kabesa dahil kailangan nilang ibigay sa limang iskolar na tutuntong sa fourth year college na kapos sa datung ang tig-P20,000 na pantustos nila sa pag-aaral.
Pero puwede nilang ihokus-pokus ang pagpili para mapaboran ang kanilang kaanak o ka-alyado dahil puwedeg ikonsidera ang 3rd year students, TESDA Scholars, o estudyante sa fifth o sixth year na magtatapos sa school year 2026-2027. Alam naman natin na matindi rin ang pulitika sa barangay kaya’t madali para sa nakaupong chairman na mapaboran ang gusto nilang bigyan ng pondo.
Mas malaki naman ang tsansa na makanenok ang tiwaling kabesa sa proyektong pangkaunlaran dahil kailangan lang nilang tukuyin ang kanilang prayoridad na proyekto na gagastusan ng P100,000. Paano kung tukuyin nilang muli ang napondohan ng proyekto? Eh di wow.
Mahirap din kasing asahan ang ilang mga supervising auditor ng Commission on Audit (COA) na nakatalaga sa barangay dahil may mga pangyayari na tumatanggap din sila ng lagay para pikit-matang pirmahan ang liquidation documents na isusumite ng punong barangay.
Siguro, mas nararapat talagang matuloy ang Barangay at SK election sa Nobyembre 2 para may pagkakataon ang taumbayan na mamili ng kanilang bagong punong barangay.
Isang buwang sunog sa Navotas Sanitary Landfill, hindi katanggap-tanggap
HINDI naging madali ang pag-apula sa isang buwang sunog sa Navotas Sanitary Landfill dahil araw-araw ang maghaponng pagsasagawa ng soil covering, compaction, misting, at iba pang hakbang.
Sabi ni Mayor John Rey Tiangco, lubos ang kanyang pasasalamat sa pitong sangay ng ahensiya ng pamahalaan na tumulong sa kanila, kabilang ang DPWH, DENR, DOTr, DILG, DOH, BFP, at OCD, pati na ang mga pribadong sektor tulad ng San Miguel Corporation, Asian Shipping Corporation, International Solid Waste Integrated Management Specialist Inc., IPM Holdings Inc. at Prime Infrastructure Capital Inc.
Nagpasalamat din ang alkalde sa ipinaabot na pagtulong ng kanyang mga kapuwa punong lungsod gaya nina Manila Mayor Isko Moreno, Mayor Along Malapitan ng Caloocan, Mayor Jeannie Sandoval ng Malabon, Mayor Wes Gatchalian ng Valenzuela at Mayor Menchie Abalos ng Mandaluyong.
Hindi rin kinaligtaang pasalamatan ng alkalde ang Embahada ng Japan at Japan International Cooperation Agency (JICA, gayundin ang Chinese-Filipino Business Club Inc. sa nagpadala ng tulong at suporta.
Susunod na hakbang naman ni Mayor Tiangco ang pagsuporta sa DENR sa kanilang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa pribadong sektor na operator ng isinarang landfill.dahil hindi aniya katanggap-tanggap ang nangyaring insidente kaya kinakailangang may managot.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com
