Hot News

Pulis sa viral hit-run sa QC iniimbestigahan, nilagay sa ALAWP

55 Views
Suspek1
Source: QCPD PIO

NI-REASSIGN at sinampahan ng kaso ang isang pulis ng Quezon City Police District (QCPD) matapos masangkot sa viral na hit and run sa Pasig City noong Mayo 12, 2026.

Sa direktiba ni QCPD Director PBGEN Randy Glenn Silvio, hiniling na ilagay ang naturang police officer sa Automatic Leave of Absence Without Pay (ALAWP) habang iniimbestigahan ang insidente.

Bukod dito, inalis din siya sa District Mobile Force Battalion (DMFB) at inilipat sa District Personnel Holding and Accounting Section (DPHAS) epektibo noong Mayo 13.

Isasampa naman sa Pasig City Prosecutor’s Office ang kasong Physical Injury at Malicious Mischief laban sa pulis kaugnay ng viral roadway altercation.

Batay sa kumalat na video sa social media, minamaneho umano ng pulis ang isang red-black Yamaha motorcycle nang itulak nito ang isang sibilyang rider. Sa lakas ng impact, tumilapon umano ang biktima na nagtamo ng pinsala at pagkasira ng motorsiklo, mabilis na tumakas umano ang suspek nang hindi man lang tinulungan ang nabangga.

Iginiit ng QCPD na seryoso silang pairalin ang disiplina, pananagutan, at transparency sa hanay ng kapulisan habang isinasagawa ang kaukulang legal at administratibong aksyon laban sa sangkot na opisyal.