Drugs

NEPPO timbog 10 ‘tulak’ sa P415 Ecija buy busts

Steve A. Gosuico May 17, 2026
39 Views

CAMP GEN. MARIANO LLANERA, CABANATUAN CITY— Umiskor ng “big-time” ang Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) matapos matimbog sa hiwalay na buy-bust operations ang 10 hinihinalang tulak kabilang ang dalawang “high-value individuals” (HVI) at makasamsam ng ilegal na droga na may kabuuang halaga na P451,516 nitong weekend, ayon kay NEPPO director Col. Ritchie R. Claravall.

Sa Sta. Rosa, nahuli ng tropa ni Major Williard L. Dulnuan ang dalawang HVI sa buy-bust operation sa Bgy. San Joseph dakong alas onse ng gabi.

Kinilala ni Dulnuan ang natimbog na HVI na isang 28-anyos na lalaki, binata, walang trabaho, residente ng Bgy. Burgos at 32-anyos na babae, walang trabaho, ng Bgy. Sapang Palay, San Jose Del Monte City, Bulacan.

Nakumpiska mula sa dalawang suspek ang 56 gramo ng shabu na may DDB value na ₱380,800.

Samantala, walong iba pang tulak umano ang naaresto sa magkakahiwalay na drug bust operations na isinagawa sa Palayan City at mga munisipalidad ng Nampicuan, Llanera, Zaragoza, San Antonio, Talugtug, at San Isidro kung saan nakumpiska ang 9.87 gramo ng shabu at 30 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana na may pinagsamang DDB value na ₱70,716.00.

Isinampa na ang mga kasong paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) laban sa mga naaresto.

“Patuloy nating paiigtingin ang mga operasyon, tutugisin ang lahat ng drug personalities nang walang takot o pabor, at sisiguraduhin na ang mga sumisira ng buhay sa pamamagitan ng iligal na droga ay mahaharap sa hustisya,” pahayag ni Claravall, bilang pagtalima sa direktiba ni Police Regional Office 3 director Brig. Gen. Jess B. Mendez.