Matibag

NBI: May lead na kami sa kinaroroonan ni Sen. Dela Rosa

Jon-jon Reyes May 19, 2026
26 Views

Matibag1MAY lead na ang mga awtoridad sa kinaroroonan ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) director Melvin Matibag ngunit tumanggi siyang magbigay ng detalye.

Idinagdag ni Matibag na kung may makakaalam sa lokasyon ni Dela Rosa, ito ay si Sen. Robinhood Padilla.

Subalit tumanggi rin si Sen. Padilla sumagot kung tinulungan niya si Dela Rosa na makaalis sa Senado noong Huwebes.

Si Dela Rosa ay may warrant of arrest mula sa International Criminal Court.

“Galing siya sa law enforcement… it’s better na harapin niya ‘yung warrant niya, mag-submit siya. Harapin niya ‘yung kanyang pananagutan sa batas,” sabi ni Matibag.

“‘Yung sinasabi na nasira ‘yung Senado, that’s the only way also para ‘yung tao rin bumalik din ‘yung magandang pagtingin sa Senado,” dagdag niya.

Binigyang-diin ng NBI chief na ang ICC warrant ay nananatiling aktibo at ang mga ahensya ng pagpapatupad ng batas ng Pilipinas ay obligado na subaybayan ang mga pag-unlad sa ilalim ng umiiral na mga pangako sa internasyonal na tribunal

“Nasa wanted list siya ng ICC. So, we have a commitment to the International Criminal Court. As a law enforcement, naka-monitor tayo,” sabi ni Matibag.

Nabanggit din ni Matibag na ang kampo ni Dela Rosa ay naghain ng petisyon sa Korte Suprema.

Samantala, naglabas ang NBI ng bagong body-worn camera footage na nagpapakita na ang naarestong NBI driver na iniugnay sa kamakailang insidente ng putukan sa Senado ay walang dalang baril at nasa ibang lugar nang mangyari ang pamamaril.