Dayuhan

28 dayuhan huli sa paglabag sa batas imigrasyon ng BI

Jun I Legaspi May 21, 2026
49 Views

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya ng pamahalaan laban sa mga ilegal na banyaga, iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto ng dalawampu’t walong dayuhan sa magkakahiwalay na operasyon sa Davao de Oro, Pasay City, at Pampanga mula Abril 22 hanggang Mayo 8.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, tinarget ng mga operasyon ang mga banyagang sangkot umano sa ilegal na pagmimina, hindi awtorisadong pagtitinda, at iba pang paglabag sa batas ng imigrasyon.

“Ang mga dayuhan na inaabuso ang pribilehiyong manatili sa Pilipinas sa pamamagitan ng ilegal na negosyo, pagkasira ng kalikasan, at iba pang labag sa batas na gawain ay aarestuhin at ipapadeport,” ani Viado. “Patunay ang mga operasyong ito na nananatiling masigasig ang BI sa pangangalaga ng pambansang seguridad at sa mahigpit na pagpapatupad ng ating mga batas sa imigrasyon.”

Noong Abril 22, Pantukan, Davao de Oro at Tagum City, Davao del Norte, dalawampung Chinese nationals ang inaresto sa isang pinaghihinalaang ilegal na minahan at bodega. Labing-anim ang nahuli sa Brgy. Napnapan, habang apat pa ang inaresto sa Brgy. Apokon. Natagpuan sa lugar ang mga sangkap ng pampasabog gaya ng ammonium nitrate, dinamita, blasting caps, at detonators, pati na rin ang tuyong seahorses na kabilang sa mga protektadong uri ng hayop sa ilalim ng batas pangkalikasan ng Pilipinas.

Sa Pasay City (Mayo 7), anim na dayuhan — apat na Chinese at dalawang Bangladeshi nationals — ang inaresto sa isang operasyon sa Baclaran. Nahuli silang nagtatrabaho sa iba’t ibang stall sa loob ng mall kahit na may hawak na visa na hindi tugma sa kanilang aktwal na gawain. Ang operasyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan sa Southern Police District.

Sa Mabalacat City, Pampanga noong Mayo 8, isang Pakistani national na kinilalang si Ahmed Mushtaq, edad 66, ang inaresto sa Brgy. Tabun matapos mabigong magpakita ng pasaporte o dokumento ng imigrasyon.

Inamin niyang siya ay subject ng mission order ng BI at nahuli dahil sa overstaying at pagiging undocumented.

Ayon sa BI, ang mga naarestong dayuhan ay haharap sa mga kaso ng paglabag sa batas ng imigrasyon ng Pilipinas at mananatili sa kustodiya ng ahensya habang isinasagawa ang proseso ng deportasyon.