Landslide1 Source: BARMM Bangsamoro

5 dedo, 6 di pa makita sa gumuhong lupa sa Lanao del Sur

Zaida Delos Reyes Jul 10, 2026
28 Views

LIMA ang patay habang anim pa ang nawawala dahil sa landslide sa Barnagay Ngingir, Calanogas, Lanao del Sur, nitong Biyernes ng madaling araw.

Nakilala ang mga nasawi na sina Norhaya Camar, Mohsin Juhary, Naifa Mansawi, Akmad Camar, at Norhana Ali.

Patuloy naman ang ginagawang search and rescue operation sa mga nawawalang sina Mujahid Abdulmajid, Mobairah Abdulrashid, Norhasan Abdulrashid, Lilikan Arab, Norlin Ali, at Norhanima Ali.

Dalawa naman ang sugatan na nailigtas, kabilang ang isang hindi pa nakikilalang biktima.

Batay sa ulat ng Calanogas Municipal Police Station, naganap ang landslide dakong 2:30 ng madaling araw sa kasagsagan ng pagbuhos ng ulan.

Bigla umanong gumuho ang lupa sa lugar at natabunan ang ilang mga bahay.

Dahil sa insidene ay hindi madaanan ng sasakyan ang kalsada kaya’t pahirapan sa mga rescuers ang pagtungo sa lugar.

Kinailangang kalarin ng mga rumispondeng pulis ang humigit-kumulang 10 kilometro hanggang sa marating nila ang lokasyon dakong 6:00 ng umaga.

Nagpapatuloy ang operasyon ng pagsagip sa lugar kung saan ginagamit ng mga awtoridad ang manual na paghuhukay at mechanical digging upang mahanap ang mga natabunan sa ilalim ng mga debris.

Patuloy ang koordinasyon ng mga kinauukulan upang matiyak na maibibigay ang kinakailangang tulong sa mga apektadong residente habang nagpapatuloy ang paghahanap sa mga nawawala.