Calendar
Source: Sarangani Prov’l Information Office
Landslide sa Sarangani, 10 nasawi
SAMPU ang patay, tatlo ang nawawala at isa ang nakaligtas matapos matabunan ng lupa ang dalawang bahay sa naganap na landslide nitong Biyernes ng umaga sa Sitio Blesong, Fundao, Barangay Poblacion, Malapatan, Sarangani.
Kabilang sa mga nasawi sina Alejandro Maladian, asawa nitong si Gina at mga anak na sina Jordan, Wiljay at Nitoy.
Patay din sa insidente sina Ricky Dawan Yaton, asawa nitong si Bon Bon Cawari at mga anak na sina Thirdy, Prince at Joseph.
Nakaligtas sa insidente at isinugod sa pagamutan si Ricky Yaton.
Batay sa insiyal na ulat ng Malapatan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO),natabunan ng landslide ang mga bahay ng dalawang pamilya.
Nakatayo ang mga bahay sa gilid ng bundok kaya’t nang gumuho ang lupa ay natabunan ang mga ito.
Ayon sa MDRRMO, ang landslide ay dulot ng malakas at walang tigil ng ulan nitong Biyernes ng umaga.
Posible rin anilang mahina na ang pundasyon ng lupa sa lugar dahil sa naranasang magnitude 7.8 na lindol noong June 8.
Matatandaan na bukod sa landslide ay binaha rin nitong Huwebes ng gabi ang mga lugar sa Sapu Padidu, Sapu Masla at Libi sa naturang bayan.
Sa ngayon, umabot na sa 115 pamilya ang inilikas at pansamantalang nanunuluyan sa tatlong evacuation centers sa lugar.
Patuloy din ang pagbibigay ng ayuda tulad ng relief packs at mga pangunahing pangangailangan ng lokal na pamahalaan sa mga apektadong pamilya.

