Calendar
ICC warrant ‘valid, enforceable’, Bato maaaring damputin ng NBI — DOJ
MAARING ipatupad ng mga law enforcement agencies gaya ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-aresto kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa batay sa isang “valid” at “enforceable” na warrant mula sa International Criminal Court (ICC), ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida.
Ang pahayag ng kalihim ay kasunod ng naging desisyon ng Korte Suprema na huwag pagbigyan ang hiling ni dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO) o status quo ante order na layong pigilan ang posibleng pag-aresto sa kanya kaugnay ng ICC case.
Nilinaw ni Vida na ang hakbang ng mga awtoridad ay hindi nakabatay sa anumang direktang utos mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kundi sa pagpapatupad ng umiiral na legal na proseso.
“This presupposes any order. We are operationalizing a valid arrest warrant. There is no interim relief from the Supreme Court. Law enforcement agencies will enforce (the warrant),” pahayag ni Vida.
Si dela Rosa ay kabilang sa mga personalidad na iniuugnay sa imbestigasyon ng ICC kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra ilegal na droga noong nakaraang administrasyon. Samantala, nananatili pa ring sentro ng usapin ang magiging susunod na hakbang ng mga awtoridad kaugnay ng naturang warrant.

