Hot News

PNP, NBI inatasang arestuhin si Senador Bato

36 Views

INATASAN na ng Department of Justice (DOJ) ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na ipatupad ang pag-aresto kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa kasunod ng naging desisyon ng Korte Suprema na huwag harangin ang pagpapatupad ng warrant laban sa senador.

Kinumpirma ni Justice Secretary Fredderick Vida na “tasked to effect the arrest” na ang dalawang ahensya matapos mabigo si dela Rosa na makakuha ng temporary restraining order (TRO) at status quo ante order sa Korte Suprema.

Ayon sa inilabas na pahayag ng Supreme Court, sa botong 9-5-1 ay ibinasura ang petisyon ng senador na layong pansamantalang pigilan ang pagpapatupad ng warrant.

Si dela Rosa ay kabilang sa mga pinangalanan sa kaso ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng alegasyong crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra droga noong nakaraang administrasyon. Noong nakaraang linggo, inilabas ng ICC ang arrest warrant laban sa senador, kung saan kasama rin bilang iniuugnay na “co-perpetrators” si dating Pangulong Rodrigo Duterte at iba pang personalidad.

Nauna nang nagtangkang isagawa ng mga awtoridad ang pag-aresto kay dela Rosa, ngunit nauwi ito sa tensyon sa Senado matapos mabigyan siya ng pansamantalang kanlungan sa loob ng gusali. Kalaunan, umalis din ang senador sa Senado matapos ang insidente ng putukan sa pagitan ng mga operatiba ng gobyerno at security personnel ng Senado.

Ayon naman kay Palace Press Officer Claire Castro, nananatiling “valid” ang arrest warrant laban kay dela Rosa.

Samantala, sinabi naman ng NBI mayroon na silang sinusundang lead kaugnay sa posibleng kinaroroonan ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, ngunit tumanggi muna itong magbigay ng karagdagang detalye habang nagpapatuloy ang operasyon at imbestigasyon.

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag nitong Martes, hindi pa maaaring isapubliko ang impormasyon upang hindi umano maapektuhan ang kasalukuyang hakbang ng mga awtoridad.