Hot News

NBI, PNP pinaghahanap na Bato

Alfred Dalizon May 21, 2026
35 Views

BatoSINIMULAN noong Huwebes ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang paghahanap kay Senador Ronald “Bato” M. dela Rosa matapos ang direktiba mula kay Department of Justice Secretary Fredderick Vida.

Ayon sa DOJ chief, inatasan ang dalawang ahensyang nagpapatupad ng batas na isagawa ang pag-aresto sa unang hepe ng PNP noong panahon ng ngayo’y nakakulong na dating Pangulong Rodrigo R. Duterte, matapos ibasura ng Korte Suprema noong Miyerkules ang apela ng mambabatas na harangin ang kanyang pag-aresto kaugnay ng warrant of arrest na inilabas laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC). Kaugnay ito ng umano’y papel niya sa madugong “war on drugs” noong nakaraang administrasyon.

Sinabi ni PNP spokesperson Brigadier General Randulf T. Tuaño nitong Huwebes ng madaling-araw na naghihintay pa sila ng instruksyon mula sa DOJ hinggil sa posibleng pagpapatupad ng ICC warrant of arrest laban kay dela Rosa.

Ito ay matapos tanggihan ng Kataas-taasang Hukuman ang pag-isyu ng temporary restraining order (TRO) kaugnay ng ICC warrant, kasunod ng apela ng senador.

Nilinaw rin ng Korte Suprema na ang kanilang naging desisyon ay tumutukoy lamang sa mga kahilingan para sa interim relief, partikular ang TRO at SQAO, at hindi pa nila dinidinig ang pangunahing usaping legal, kabilang na kung maaaring ipatupad ng mga opisyal ng Pilipinas ang ICC warrant nang walang warrant mula sa korte ng Pilipinas at kung maaari itong ipatupad kahit umatras na ang bansa mula sa tribunal.

“Hihintayin ni Chief PNP yung legal advice ng ating director ng Legal Service. Sa ngayon, hindi pa natin mako-confirm o made-deny yung nasabing usapin kung i-effect ng PNP o hindi ang nasabing ICC warrant,” pahayag ni Brig. Gen. Tuaño sa isang press briefing.

Hindi rin siya nagbigay ng impormasyon hinggil sa posibleng kinaroroonan ni Sen. dela Rosa at sa progreso ng police manhunt laban dito.

Ayon pa sa opisyal, naisumite na ni PNP chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr. sa DOJ ang mga ebidensiya kabilang ang CCTV recordings at mga pahayag ng mga saksi kaugnay ng insidente ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13.

“May proseso at forensic examination to validate the evidence submitted. Matibay ang paninindigan namin na ang mga evidence submitted were based on facts, evidence and witnesses,” ani Brig. Gen. Tuaño, habang itinanggi ng mga opisyal ang alegasyon ni suspendidong Senate Sergeant-At-Arms at retiradong 2-star general Ma-o R. Aplasca na “spliced” o pinagtagpi-tagpi umano ang CCTV footages.

Sinabi rin ng tagapagsalita ng PNP na sapat ang bilang ng mga pulis na maaaring magsilbi ng warrant of arrest laban kaninuman, senador man ito o hindi.

Ang PNP Criminal Investigation and Detection Group na pinamumunuan ni Major Gen. Robert Alexander A. Morico II ang magiging pangunahing yunit ng pulisya na inatasang umaresto kay Sen. dela Rosa.

Nag-utos na rin si Gen. Nartatez sa mga tauhan ng PNP Maritime Group at PNP Aviation Security Group na maging alerto laban sa anumang pagtatangka ng senador na tumakas palabas ng bansa, partikular sa pamamagitan ng mga southern backdoors.

Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP sa Bureau of Immigration upang bantayan ang anumang galaw ni dela Rosa. Ayon sa BI, hanggang sa oras ng paglalathala, wala pang rekord ng pagbiyahe ni Sen. dela Rosa palabas ng bansa.