Calendar
P56M shabu nasamsam sa 2 Pinay sa NAIA
DALAWANG Filipina na galing sa Cambodia ang na-intercept sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Mayo 6 na may dalang 8 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit P56 milyon.
Nakatanggap ang Bureau of Immigration (BI) ng impormasyon mula sa United States Drug Enforcement Administration hinggil sa dalawang pasahero na may dalang droga.
Matapos ang ilang araw ng masusing pagmamanman, nakumpirma ng mga awtoridad na ang dalawang suspek, sina alyas “Lona,” 43-anyos, at “May,” 59-anyos, ay positibo sa droga na nakasakay sa Philippine Airlines flight PR 2622 mula Cambodia.
Natuklasan ang mga pakete ng puting kristal na substance na nakatago sa ilalim ng mga pakete ng kape na nagpositibo sa methamphetamine hydrochloride o shabu.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang naturang operasyon ay patunay na ang modernong border security ay higit pa sa simpleng passport stamping.
“Ang border protection ngayon ay nakabatay sa intelligence gathering, data analysis at koordinasyon sa lokal at internasyonal na mga katuwang. Ang ganitong information-sharing ay nakapagliligtas ng buhay,” sabi ni Viado.
Binigyang-diin ng BI ang kahalagahan ng Advanced Passenger Information System (APIS), na nagbibigay-daan sa mga awtoridad na makatanggap ng passenger data bago dumating ang mga flight.
Sa pamamagitan nito, natutukoy ang mga kahina-hinalang paglalakbay at naipapasa ang impormasyon sa mga katuwang na ahensiya.
Halos 90 porsiyento ng international commercial flights na papasok sa Pilipinas ay sakop na ng APIS monitoring.

