2 panig sa hit-and-run sa QC nagkasundo na

68 Views

KILALA na ng mga miyembro ng Quezon City Police District (QCPD) ang Honda PCX rider na sangkot sa hit-and-run noong Mayo 16 sa C.P. Garcia Avenue at Masinsinan Street sa Barangay UP Campus, Quezon City.

Ayon kay QCPD chief PBGen. Randy Glenn Silvio, natukoy ang rider matapos ang follow-up operation.

Matapos mahanap, inimbitahan ng mga awtoridad ang rider at ang biktima upang pag-usapan ang insidente.

Sa mediation, nagkasundo ang dalawang panig na sasagutin ng rider ang participation fee para sa repair ng sasakyan ng biktima.

Napagkasunduan din na wala nang magsasampa ng demanda laban sa isa’t isa.

Gayunman, inisyuhan ng official violation receipt ang rider dahil sa reckless driving at involvement in accident at na-impound ang motorsiklo sa DTEU headquarters.

Lumagda ang magkabilang panig sa written settlement agreement kaugnay ng insidente.

Pinaalalahanan ni Silvio ang mga motorista na sumunod sa batas-trapiko at huwag tumakas sakaling masangkot sa aksidente.