Meteor

Mayon dinaanan ng bulalakaw

56 Views

ISANG bulalakaw ang namataang dumaan sa ibabaw ng Bulkang Mayon noong Lunes ngunit nagkawatak-watak habang nasa atmosphere pa bago pa tumama sa lupa, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Sa ulat ng Phivolcs, alas-10:33 ng gabi ng makuha ng kanilang monitoring cameras ang pagdaan ng bulalakaw sa hilagang dalisdis ng bulkan.

Una umanong inakala na bumagsak ito sa bahagi ng Mayon, pero matapos suriin ang seismic records, infrasound at iba pang camera footage, nakumpirma na naglaho ang meteor habang nasa himpapawid pa lamang.

Iginiit ng Phivolcs na walang impact o pinsalang naitala sa lupa kaugnay ng insidente.

Patuloy pa rin ang pag-aalburuto ng Bulkang Mayon at naobserbahan ang pagdaloy ng lava at collapse-fed pyroclastic density currents sa Bonga, Basud at Mi-isi gullies.

Nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan na nangangahulugan ng mataas na antas ng pag-aalburoto.

Mahigpit ding ipinagbabawal ng mga awtoridad ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa banta ng lava flow, rockfall at pyroclastic density currents o “uson.”

Umabot na sa 141 na magkakasunod na araw ang nagpapatuloy na effusive eruption ng Mayon.