Bato

Adiong kay Bato: Kung dumalo ka sa pagbabago ng SP, dapat ganun din sa trial ni VP Sara

28 Views

HINAMON ng isang mambabatas mula sa Mindanao si fugitive Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na magkaroon ng sapat na tapang upang dumalo sa inaasahang impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte sa Senado.

Ayon kay House trial spokesperson Zia Alonto Adiong, dapat ipakita ni Dela Rosa ang parehong determinasyon at kahandaang harapin ang anumang panganib sa pagdalo sa paglilitis kay VP Duterte, tulad ng ipinakita nito nang dumalo sa kamakailang botohan para sa pagbabago ng liderato sa Senado.

“Alalahanin natin na mahalaga ang pisikal na presensya sa paggawa ng batas. Ang mga alituntunin na nag-aatas ng pisikal na pagdalo ng mga mambabatas ay nilikha upang maitanim sa mga miyembro ang malalim na dedikasyon sa kanilang tungkulin,” ani Adiong.

“Sa katunayan, kamakailan lamang, tandaan natin nang si Senator Bato dela Rosa ay umano’y hinarangan sa pagpasok sa Senado at kinailangan pa niyang piliting makapasok,” dagdag niya.

Binanggit ni Alonto Adiong, na isa ring House Assistant Majority Leader at chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, na nasugatan pa ang senador mula Davao habang hinahabol ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagtangkang arestuhin siya batay sa warrant mula sa International Criminal Court (ICC).

“May nangyaring komosyon, at nasugatan si Senator Bato dela Rosa dahil kinailangan talaga niyang lampasan ang security cordon na pumipigil sa kanyang makapasok sa gusali. Para sa akin, iyon ang uri ng commitment na inaasahan natin sa mga senador upang makilahok sa mga usaping lehislatibo, lalo na kung napakahalaga ng paksang pinagdedesisyunan,” aniya.

“Ngunit ang ganoong klaseng dedikasyon ay dapat ding i-apply sa lahat ng iba pang gawaing lehislatibo ng Senado. Hindi dapat lumalabas na may ganoong commitment lamang kapag may usapin ng pagpapalit ng liderato. Iyan ang antas ng dedikasyong inaasahan ng publiko mula sa isang senador,” dagdag pa niya.

Iginiit ng lider ng Kamara mula Lanao del Sur na ang pagpapahintulot sa virtual participation at online voting ay “magpapababa hindi lamang sa commitment ng isang opisyal sa pagtupad ng kanyang tungkulin, kundi pati na rin sa inaasahan ng taumbayan—na siyang bumoto sa mga opisyal ng gobyerno, lalo na sa mga nasa lehislatura—na kayo ay naroon upang masusing suriin ang mga panukala, maging ito man ay impeachment o ordinaryong gawaing lehislatibo.”

“Inaasahan ng mga tao na naroon kami,” diin niya.

Nauna rito, isa pang House trial spokesperson na si Kabataan Party-list Rep. Renee Co ang nagsabing dapat munang sumuko si Sen. dela Rosa bago pag-usapan ng Senado ang isyu ng online voting.

“So dumadagdag po talaga ‘yung interpretation and even ‘yung clamor ng legal authorities na kailangan lang pong boluntaryong pagsuko ni Sen. Bato. Kailangan mangyari ‘yun before any discussion of Senate rules and how it will affect his participation. At ang mga prosesong legal na nakaabang sa kanya ay dapat muna niyang harapin,” sabi ni Co.