Calendar
Sen. Jinggoy sumuko, hindi gagamiting panangga ang Senado


Sumuko si Senador Jose “Jinggoy” Estrada sa Criminal Investigation and Detection Group sa Senado nitong Lunes at sinabing hindi siya hihiling ng kustodiya ng Senado o gagamitin ang institusyon bilang panangga sa mga alegasyon laban sa kanya.
Ginawa ni Estrada ang pahayag habang hinaharap niya ang mga kasong may kaugnayan sa umano’y flood-control irregularities. Nasa Senado rin si Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla nang mangyari ang development.
“Hindi ako papasailalim sa kustodiya ng Senado. I will not seek Senate custody,” sabi ni Estrada.
“Hindi ko gagamitin ang Senado bilang panangga laban sa mga alegasyon sa akin. Nakahanda akong ipagtanggol ang aking sarili sa hukuman at hindi ako magtatago sa likod ng institusyong ito upang umiwas sa proseso,” dagdag niya.
Sinabi ni Estrada na inatasan niya ang Senate Secretary na pansamantalang ipatigil ang kanyang suweldo, at sinabing personal niyang pasya ito upang ipakita na wala siyang intensyong makinabang sa pondo ng bayan habang nililinis ang kanyang pangalan.
“Personal kong pasya ito upang ipakita sa sambayanang Pilipino na wala akong intensyon makinabang sa pondo ng bayan habang nililinis ko ang aking pangalan,” sabi niya.
Sinabi rin ng senador na mananatili siya sa majority bloc sa ilalim ni Senate President Alan Peter Cayetano sa kabila ng tinukoy niyang panggigipit, pananakot at political maneuvering.
“I will remain firmly with the majority bloc under the leadership of Senate President Alan Peter Cayetano. Di ako matitinag sa anumang pangigipit, pananakot, political maneuvering para talikuran ang aking paninindigan,” sabi ni Estrada.
“I will not be pressured into surrendering my independence or judgment,” dagdag niya.
Sinabi ni Estrada na ipagtatanggol niya ang kanyang sarili “hanggang sa huli” upang patunayan na walang batayan ang mga paratang laban sa kanya.
Inihayag din niya na ilang ulit siyang inalok na talikuran ang independent majority bloc kapalit ng pagbabasura sa kanyang kaso, ngunit hindi niya tinukoy kung sino umano ang gumawa ng mga alok.
“Maraming beses ako inalok na talikuran ang independent majority bloc kapalit ang pagbabasura sa aking kaso,” sabi ni Estrada.
Sinabi niyang tumanggi siya at piniling manatili sa hanay ng kanyang mga kasamahan sa mayorya.
“I stand my ground,” sabi ni Estrada.
Binanggit din ni Estrada ang impormasyon na ayon sa kanya ay kinilala ni dating Blue Ribbon chairperson Senador Panfilo “Ping” Lacson bilang mahalagang ebidensyang sumasalungat sa mga alegasyon laban sa kanya.
“Wala akong kinalaman diyan,” sabi niya.
Giit ni Estrada, dapat manatiling malaya ang Senado sa external pressure, political coercion at undue influence.
“It must remain free from political coercion, free from undue influence, and free from any scheme designed to weaken its constitutional role as a co-equal and independent branch of government,” sabi niya.
“I am prepared to face the consequences, however difficult they may be, especially for my family. I will not be broken by accusations, nor will I yield to political pressure,” dagdag niya.
Sinabi ni Estrada na haharapin niya ang mga paratang, ipagtatanggol ang kanyang dangal sa pamamagitan ng due process at magtitiwala sa katotohanan.
“I will meet these charges head-on, defend my honor through due process, and place my faith in the truth,” sabi niya.

