Sec. Lopez: Suspensyon ng GenSan airport habaan

Jun I Legaspi Jun 8, 2026
29 Views

INATASAN ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na habaan ang suspensyon ng operasyon sa General Santos Airport upang pahintulutan ang military aircraft, government at humanitarian flights.

Layunin ng direktiba na matiyak ang tuluy-tuloy na transportasyon ng relief goods at mabilis na humanitarian response matapos ang magnitude-7.8 na lindol sa Sarangani.

Ang kautusan ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad na tumugon at magbigay ng tulong sa mga naapektuhan ng kalamidad.

Ayon kay Lopez, dapat bukas ang General Santos Airport para sa disaster response at relief operations.

“Ang utos ng Pangulo dapat mabilis at tuluy-tuloy tayong makatugon sa pangangailangan ng mga kababayan nating apektado ng lindol. Kailangan maagap tayo sa pag-responde para agarang makatulong,” sabi ni Secretary Lopez.

Inatasan ng director general ang CAAP na tiyakin ang integridad ng mga istruktura ng paliparan upang masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero at airport personnel.

Samantala, kanselado ang mga flights ng Cebu Pacific (11 flights): Iloilo–GenSan, GenSan–Iloilo, Manila–GenSan, GenSan–Manila, Cebu–GenSan, GenSan–Cebu; PAL Express (4 flights): Cebu–GenSan, GenSan–Cebu, Manila–GenSan, GenSan–Manila; at Philippine Airlines (2 flights): Manila–GenSan, GenSan–Manila.

Nagbigay rin ng direktiba si Secretary Lopez para sa posibleng deployment ng government assets para sa “Libreng Sakay” sa mga apektadong lugar, kung sakaling may mga stranded na pasahero.

Inatasan din ang LTFRB Davao at LTFRB General Santos na mag-isyu ng special permits sa mga bus para sa stranded passengers, sa koordinasyon ng mga airline.

Samantala, nagpatupad ng mas pinaigting na safety at response measures ang DOTr maritime sector kasunod ng tsunami warning mula sa PHIVOLCS.

Inatasan ni Secretary Lopez ang Philippine Coast Guard (PCG) na agad na magmobilisa ng assets at personnel upang tumulong sa mga komunidad na apektado at suportahan ang evacuation sa mga coastal areas.

Ipapatupad naman ang “no sail policy” sa southeastern Mindanao, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, southern Mindanao at southwestern Mindanao.