PWD

Taas benepisyo para sa PWD ng Calapan itinutulak

Helen D. Prado Jun 10, 2026
62 Views

CALAPAN CITY – Pinangunahan ni Alkalde Doy Leachon ang isang pagtitipon na may temang “Pagsusulong ng Pagkakapantay-pantay: Mga Batas na Nagtatanggol sa Karapatan ng mga May Kapansanan” na ginanap sa El Pueblo Rhizort ngayong araw.

Layunin ng aktibidad na ipaliwanag at linawin ang mga probisyong nagbibigay ng proteksyon at karapatan para sa mga may kapansanan o PWD, partikular ang Republic Act 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons.

Isa sa mga mahalagang anunsyo sa okasyon ang pagtataas ng tulong pinansyal para sa mga PWD sa lungsod—mula sa dating ₱1,000, itataas na ito sa ₱2,000 taun-taon.

Ang programa ay pinagsamang inorganisa ng City Social Welfare and Development Department sa pamumuno ni Gng. Juvy Bahia at ng Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) sa pamumuno ni Gng. Glenda Valerio. Dumalo rin ang mga miyembro ng ika-10 Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Bise Alkalde Bim Ignacio.

Patuloy ang paninindigan ng pamahalaang lungsod na tiyakin ang kapakanan at pagsasama ng bawat mamamayan tungo sa isang #MaayosnaBayanSigurado na tunay na yumayakap sa lahat.