Tingog

TINGOG Party List tuloy-tuloy ang tulong sa nilindol sa GenSan

Mar Rodriguez Jun 10, 2026
59 Views

AGARANG nagpaabot ng tulong ang TINGOG Party List para sa mga lugar na lubhang naapektuhan at niyanig ng 7.1 na lindol kabilang na ang General Santos City sa pamamagitan ng pagkain at tubig.

Ipinagpatuloy ng TINGOG Party List ang relief operations nito sa pamamagitan ng pamamahagi ng mainit na pagkain sa mga pasyente, health workers at mga apektadong residente sa Socsargen County Hospital.

Ang naturang karagdagang relief operation na pinangasiwaan ng TINGOG Center Digos at TINGOG Center General Santos ay nagkaloob ng 250 mangkok ng arroz caldo bilang bahagi ng patuloy na pagtugon ng TINGOG sa mga komunidad na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na yumanig sa labas ng baybayin ng Sarangani noong Lunes ng umaga.

Isinagawa ang pamamahagi habang patuloy na hinaharap ng mga ospital, medical personnel, at mga apektadong residente ang epekto ng lindol, kabilang ang mga patuloy na aftershocks, pagsusuri sa mga pinsala, at mga alalahanin sa kaligtasan ng ilang mga estruktura.

Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng TINGOG Party List sa kanilang mga lokal chapter, sa mga katuwang na sektor at mga apektadong komunidad upang maghatid ng tulong kung saan ito pinakakinakailangan.

“Sa ganitong panahon, mahalaga ang mabilis at tuloy-tuloy na pagtugon. Patuloy tayong nakikinig sa pangangailangan ng ating mga kababayan sa General Santos at karatig na lugar, at patuloy tayong magsisilbi sa abot ng ating makakaya,” ang pahayag ng TINGOG Party List.