Lindol

Death toll sa lindol sa Mindanao nasa 45 na- NDRRMC

Zaida Delos Reyes Jun 10, 2026
77 Views

UMAKYAT na sa 45 indibidwal ang nasawi, 487 ang sugatan at 17 iba pa ang nawawala matapos ang 7.8 magnitude na lindol sa Mindanao nitong Lunes.

Ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), 33 sa mga nasawi ay mula sa Soccsksargen region o Region 12 at 12 sa Davao Region o Region 11.

Gayunman, nilinaw ng ahensya na patuloy pa nilang bina-validate ang pagkakakilanlan ng mga nasawi.

Umabot na rin sa 33,596 pamilya o 149,372 indibidwal sa Mindanao ang labis na naapektuhan ng lindol.

Halos 3,000 kabahayan ang napinsala habang libo-libong residente ang nanatili sa evacuationc centers.

10 active faults binabantayan sa NIR

Samantala, sampung active fault lines sa Negros Island Region ang binabantayan ngayon ng Office of Civil Defense (OCD).

Kabilang sa mga ito ang mga sumusunod: Southern Negros Fault; Manjuyod-Pamplona Fault (East Negros Fault System); Bindoy-Guihulngan Fault (East Negros Fault System); Pinocawan River Fault (East Negros Fault System); San Carlos Fault (East Negros Fault System); Calatrava-Toboso Fault (East Negros Fault System) Sibulan Fault; Central Negros Fault; Candoni Fault at West Negros Fault.

Ayon kay Bryll Larry Sañor, Deputy Chief ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office Operations Center ang naturang mga active fault lines ay maaring lumikha ng hanggang sa magnitude 6.9 na lindol.

May posibilidad din umanong gumalaw ang Negros Trench na binabantayan din.

Kaugnay nito,patuloy ang ginagawang paghahanda ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga paaralan at mga residente.