Taliba Source: NDRRMC/BFP

Grupo ni Gatchalian pag-aaralan pondo para sa quake rehab

69 Views

SINABI ni Acting Senate President Sherwin Gatchalian na naghahanda ang mga miyembro ng Senate majority bloc na bumisita sa mga lugar sa Mindanao na tinamaan ng lindol upang alamin ang pangangailangan ng mga apektadong komunidad at tukuyin ang posibleng tulong para sa reconstruction efforts.

Ayon kay Gatchalian, dapat pagtuunan ang agarang tulong sa mga residenteng naapektuhan ng magnitude 7.8 earthquake at ang pagtukoy sa lawak ng pinsala sa mga kalsada, tulay, ospital at paaralan.

“Naka-focus tayo ngayon sa pagtulong natin sa ating mga kababayan sa Mindanao,” sabi ni Gatchalian sa isang panayam.

Sinabi niya na nagpulong na ang kanyang grupo at nakipag-ugnayan sa mga ahensya upang talakayin ang tulong na maaaring maihatid sa mga apektadong lugar.

“Yes nagprepare kami para bumisita. In fact kahapon nga kaya nahinto ng maaga ang hearing kasi nagkaroon pa kami ng meeting at nagko-coordinating kami sa agencies para tingnan kung ano ang tulong na pwede natin madala,” sabi ni Gatchalian.

Sinabi niya na plano rin niyang personal na pumunta sa Mindanao sa loob ng linggong ito, habang inaasahan ding bibisita ang iba pang senador sa mga apektadong komunidad.

Nauna nang iniulat ng Office of Civil Defense na umabot na sa 45 ang nasawi sa lindol, habang 630 ang nasugatan at 17 ang nawawala, batay sa mga ulat na natanggap nitong Miyerkules ng umaga.

Ayon kay Gatchalian, isa sa malalaking usapin ang posibleng gastos sa reconstruction, lalo na sa mga lugar kung saan nasira ang public infrastructure.

“Sigurado ako ang pinakamalaki dito kung anong gagamitin ang reconstruction dahil nabalitaan namin may mga kalsada, tulay, yung schools,” sabi niya.

Sinabi niya na kailangang masusing masuri ang mga school buildings bago payagang makabalik ang mga estudyante, dahil hindi dapat isapanganib ang kaligtasan ng mga mag-aaral.

“Importante mag-ingat tayo pagdating sa schools dahil hindi natin pwede isalang-alang ang ating mga mag-aaral,” sabi ni Gatchalian.

Sinabi niya na hinihintay ng Senado ang official report mula sa Department of Education tungkol sa mga nasirang paaralan.

Ayon kay Gatchalian, maaaring may mapagkunan ng pondo para sa school reconstruction sa ilalim ng school building construction budget, ngunit kailangan pa ring masuri ng pamahalaan ang kabuuang lawak ng pinsala.

“Nakikita ko naman hindi magiging problema ang pondo dahil this year malaki ang pondo na inilaan natin sa school building construction. So may pwedeng paggamitan ang DepEd sa reconstruction,” sabi niya.

Sinabi rin ni Gatchalian na maaaring kailangang pag-aralan ng pamahalaan kung kailangan ng supplemental budget upang tugunan ang pinagsamang epekto ng oil price hikes, El Niño at ng Mindanao earthquake.

“Pag-aralan mabuti kung kakailangan ng supplemental budget para ma-reallocate ang ibang mga pondo sa pagtulong dito sa mga tinamaan ng tatlong problema nito,” sabi niya.

Binanggit din niya ang available government funds, kabilang ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund at local government support fund, na maaaring gamitin upang tulungan ang mga apektadong komunidad at local governments sa kanilang recovery efforts.

“At pagtulong sa local government units may almost P50B doon sa tinatawag nating local government support fund. So ibig sabihin pwedeng diretso tulungan ang local government sa kanilang reconstruction efforts,” sabi ni Gatchalian.

Sinabi ni Gatchalian na kailangang mabilis na makarating ang tulong sa local governments at mga komunidad, lalo na sa mga nangangailangan ng suporta para sa mga nasirang imprastraktura at paaralan.

“Kailangan mabilis lang ang pagtulong natin doon,” sabi niya.