Calendar
SUCs may P11.8B dagdag na pondo
UMAABOT sa P11.8 bilyon ang inilaan upang tugunan ang kakulangan sa pondo sa pagpapatupad ng libreng kolehiyo, ayon kay Sen. Loren Legarda.
Nabanggit ito ng senadora sa pagdiriwang ng ika-32 anibersaryo ng Commission on Higher Education.
Ayon kay Legarda, hindi magiging matatag ang libreng tertiary education kung luma ang enrollment figures na ginagamit sa pagtukoy ng pondo at kung hindi agad nailalabas ang pondo para sa SUCs.
Lumitaw sa consultative meeting kasama ang state universities and colleges noong nakaraang taon na patuloy na nagkukulang ang pondo para sa Free College Education Act.
“While the state universities and colleges submit updated enrollment data, computations have often relied on historical figures, sometimes two or three years old, leaving actual needs unmet,” sabi ni Legarda.
Upang punan ang kakulangan, naglaan ng P11.8 bilyon para sa programa, kabilang ang P7.8 bilyon mula sa Higher Education Development Fund ng CHED at P4 bilyon sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.
Pinasalamatan niya si CHED Chair Shirley Agrupiz sa pagkilala sa pangangailangan at sa pagbibigay ng counterpart funding mula sa pondo ng CHED.
Ipinaabot sa senador na hindi pa rin nailalabas ang pondo at naghihintay pa rin ang mga SUC kahit nasa kalagitnaan na ng taon.
“Huwag po natin payagan ito. Mid-year na po. What is the use of us debating your budgets?
Kung pinahihirapan ang bawat programa ng SUC at college, kung hindi pinupondohan ang mga batang nagaantay, or kung pupondohan man ay hindi rinirilis ang pundo, huwag po natin payagan yan,” sabi niya.
Binanggit ni Legarda ang karanasan noong 2017 bilang patunay na posible ang libreng kolehiyo kahit bago pa maipasa ang free tuition law, kaugnay ng realignment ng P8 bilyon sa CHED sa ilalim ng 2017 General Appropriations Act.
Nakatulong ang naturang alokasyon sa humigit-kumulang 800,000 estudyante sa 112 state universities and colleges upang makapag-aral nang hindi nagbabayad ng tuition at miscellaneous fees.
Ang hamon ngayon ay hindi na patunayan kung posible ang libreng kolehiyo, kundi tiyakin na ito ay napopondohan nang tama at napapanatili.
Binanggit din ni Legarda ang paglulunsad ng Higher Education Achieve Strategic Plan, revised CHED Merit Scholarship Program at Project Pag-ibig bilang bahagi ng mga hakbang upang ilagay ang mga mag-aaral sa sentro ng development.
Kailangan ng tuloy-tuloy na kooperasyon ng pamahalaan, mga paaralan, industriya, komunidad at development partners upang isulong ang reporma sa higher education.
Iginiit ni Legarda na dapat magpatuloy ang trabaho sa edukasyon sa kabila ng mga pagkakaibang pampulitika, at sinabing ang adbokasiya at polisiya ay higit sa titulo at posisyon.

