Calendar
Pekeng animal feeds nakumpiska; nagbebenta arestado
NANINIWALA ang mga ahente ng National Bureau of Investigation na nasawata nila ang banta sa kabuhayan ng mga magsasaka ng maaresto ang negosyante noong Hunyo 11 na iligal na nagbebenta ng peke at substandard na animal feeds.
Isinagawa ng NBI-NCR, kasama ang Department of Agriculture–Inspectorate and Enforcement (DAIE), ang operasyon bilang pagtugon sa direktiba ni NBI Director Melvin Matibag.
Ibinebenta ng Fortune Green Agri-Enterprises sa Sta. Maria, Bulacan ang Sewon DL-Methionine (99.0%), isang amino acid na ginagamit para lumusog ang mga manok at baboy.
Maaaring magdulot ng pekeng lusog at sakit sa mga hayop, malaking pagkalugi sa magsasaka, at panganib sa kalidad ng karne, manok, at itlog dahil peke ang produktong ibinebenta ng negosyante.
Kinumpirma ng Daesang Philippines na hindi sila gumagawa o nag-aangkat ng DL-Methionine at panloloko ang paggamit ng kanilang pangalan at logo.
Hindi rehistrado sa Bureau of Animal Industry ang produkto at paso na mula pa noong Mayo 28, 2026 ang lisensya ng Fortune. Paglabag ito sa RA 12308 (Animal Industry Development and Competitiveness Act).
Sa entrapment, nag-order ang mga operatiba ng 600 sako (15 tonelada) ng DL-Methionine.
Matapos ibigay ang minarkahang P6,150,000, inaresto ang may-ari ng Fortune.
Iniharap ang suspek sa Office of the Provincial Prosecutor ng Bulacan para sa inquest.

