Calendar
Kinikilala ni Marcos si Gatchalian bilang lider ng Senado — Tulfo
SINABI ni Senador Erwin Tulfo na pinagtibay ng pampublikong pagkilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Acting Senate President Sherwin Gatchalian ang matagal nang iginigiit ng bagong mayorya — na kinikilala ng Executive Department si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at pansamantalang namumuno sa Senado.
Sa panayam sa DWIZ Usapang Senado, sinabi ni Tulfo na ang pagbanggit ni Marcos kay Gatchalian sa pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ay dapat makatulong upang makabalik sa trabaho ang mga senador sa gitna ng patuloy na sigalot sa liderato.
“So kahapon po the President is just reiterating ang pagkilala ng Executive Department sa pamumuno ni Sen. Sherwin Gatchalian na pro tempore as the acting Senate President and presiding officer of the Senate,” sabi ni Tulfo.
Sinabi ni Tulfo na maaaring dumulog sa Korte Suprema ang mga senador na patuloy na kumukuwestiyon sa kapangyarihan ng bagong mayorya.
“Kung may question, they can always go to the Supreme Court at doon nila i-question ang authority ng new majority. So nasa kanila po yan,” sabi niya.
Nananatiling pinag-aagawan ang liderato ng Senado matapos ang sesyon noong Hunyo 3, kung saan idineklara ng mayorya na bakante ang mga posisyon sa liderato at inihalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore. Dahil idineklarang bakante ang Senate presidency, si Gatchalian ang nagsisilbing pansamantalang presiding officer ng kapulungan.
Inamin ni Tulfo na wala pang malinaw na ika-13 boto ang grupo ni Gatchalian upang makapaghahalal ng bagong Senate President, ngunit sinabi niyang may pakikipag-usap sa dalawa hanggang tatlong senador mula sa kabilang grupo.
“But to be honest wala pa talagang malinaw ika nga kung sino nga. But I believe 2-3 ang kinakausap dyan ng kasamahan ko,” sabi niya.
Sinabi ni Tulfo na may ilang senador mula sa kabilang grupo na nais lamang makabalik sa trabaho sa kabila ng bangayan sa liderato.
“May mga Senador na they just want to work. Gusto lang nilang magtrabaho,” sabi niya.
Nanawagan din siya sa mga senador na unahin ang interes ng publiko kaysa pulitika, at sinabing pare-pareho lamang ang problemang nararanasan ng ordinaryong Pilipino anuman ang kanilang kinabibilangang kampo.
“Yung interest ng taong bayan is above your personal interest, above your family interest, above your political interest, political party’s interest, your group’s interest,” sabi ni Tulfo.
Sinabi ni Tulfo na hindi dapat manatiling hati ang Senado, lalo na habang naghahanda ang mga senador para sa mga nakabinbing trabaho sa lehislatura at mga pagdinig na may kaugnayan sa impeachment.
Tungkol naman sa seguridad sa Senado, sinabi ni Tulfo na ipinatupad ang mas mahigpit na hakbang bilang pag-iingat matapos makatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon hinggil sa posibleng banta.
“A threat is a threat,” sabi niya.
Sinabi ni Tulfo na patuloy na minomonitor ng intelligence at law enforcement agencies ang sitwasyon. Aniya, layunin ng mga restriksyon sa Senado na maiwasang maging flashpoint ang kapulungan.
“Kaya nga po nag-iingat ang lahat. So nagkaroon po ng lockdown ang Senate para maiwasan na lang ang gulo kasi kung hindi baka maging flashpoint ang Senado,” sabi ni Tulfo.
Inaasahang mananatiling malaking usapin ang sigalot sa liderato habang naghahanda ang mga senador para sa mga nakabinbing trabaho sa lehislatura at mga pagdinig na may kaugnayan sa impeachment.

