MWP

QCPD nalambat 8 MWP

32 Views

ARESTADO ang walong most wanted persons (MWPs), kabilang ang apat na district-level wanted persons, sa magkakahiwalay na manhunt operations ng Quezon City Police District (QCPD).

Ayon sa QCPD, nadakip ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ang kanilang No. 3, No. 4, No. 8 at No. 9 district-level MWPs na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016.

Samantala, nasakote ng La Loma Police Station 1 katuwang ang Bauang Municipal Police Station sa La Union ang No. 1 most wanted person nito na may nakabinbing warrant of arrest sa limang bilang ng sexual assault. May nauna rin umano itong mga kaso kaugnay ng paglabag sa Anti-Rape Law at Anti-Photo and Video Voyeurism Act.

Sa Sorsogon naman nadakip ng Masambong Police Station 2 ang No. 2 most wanted person nito na nahaharap sa dalawang bilang ng kasong rape.

Naaresto rin ng Fairview Police Station 5 ang No. 9 most wanted person nito na may warrant of arrest dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, timbog din ng Anonas Police Station 9 ang No. 7 most wanted person nito sa Barangay Krus na Ligas, Quezon City dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 9165.

Dinala sa kustodiya ng pulisya ang mga naarestong suspek habang hinihintay ang kaukulang utos ng mga korte na nagpalabas ng kanilang warrant of arrest.

Pinuri naman ni QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio ang mga operatiba sa matagumpay na pagdakip sa mga wanted person.

Ayon kay Silvio, patunay ang operasyon ng patuloy na pagtutok ng QCPD sa pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko.