Hot News

2 pagbuga ng abo mula sa bunganga ng Kanlaon naitala

27 Views
Volcano
Larawan: PHIVOLCS/FB

MULING nakapagtala ng ash emission ang Bulkang Kanlaon matapos mamataan ang pagbuga ng abo mula sa bunganga nito madaling-araw ng Biyernes, Hunyo 19.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang dalawang magkasunod na pagbuga dakong 3:32 a.m. at 5:35 a.m. na nakita sa pamamagitan ng speed-up camera footage at monitoring system ng ahensya.

Nagbunga ang naturang aktibidad ng kulay-abong usok na umabot sa tinatayang 300 metro sa ibabaw ng crater bago tinangay ng hangin patimog-kanluran.

Nakuha ang mga imahe gamit ang thermal camera ng Lower Masulog observation station at IP camera ng Kanlaon Volcano Observatory sa Canlaon City.

Sa kabila ng pinakahuling pagbuga, nananatiling nakataas ang Alert Level 2 sa Bulkang Kanlaon, na nangangahulugang may umiiral pa ring katamtamang antas ng pag-aalboroto at posibilidad ng biglaang phreatic o steam-driven eruptions.

Patuloy namang pinaaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko na umiwas sa Permanent Danger Zone at manatiling nakaantabay sa mga susunod na abiso ng mga awtoridad.