Acidre4

Acidre nalungkot sa pamamaril sa Tacloban

Mar Rodriguez Jun 22, 2026
111 Views

IKINALUNGKOT ni TINGOG Party List Rep. Jude A. Acidre ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na kumitil sa 3 buhay at nag-iwan ng sugat sa iba pa.

Nagpaabot ng pakikiramay si Acidre sa mga pamilyang nagpapasan ng pangungulila kasama na ang mga sugatang mag-aaral at ang kanilang mga mahal sa buhay.

“Ang paaralan ay dapat na palaging maging lugar ng pagkatuto, kaligtasan, pagkakaibigan, at pag-asa. Ang pagkawala ng mga batang buhay sa loob ng isang kampus ay nagdudulot ng sugat sa buong komunidad ng Tacloban at nananawagan sa ating lahat na tumugon nang may kaukulang bilis, habag at determinasyon,” ani Acidre.

Nakikipag-ugnayan ang TINGOG Party List sa mga kaukulang ospital, sa Tacloban City, sa Department of Education (DepEd) at sa mga kaugnay na ahensya upang matiyak na matatanggap ng mga sugatang mag-aaral ang kinakailangan nilang atensyong medikal.

Magpapaabot ng tulong ang TINGOG Party List para sa pagpapaospital, mga gamot, mga pangangailangan sa laboratoryo, sa follow-up treatment, transportasyon at iba pang kagyat na gastusing medikal.

Kinikilala rin ni Acidre na ang mga sugat mula sa trahedyang ito ay higit pa sa mga pisikal na pinsala.

Dapat na maagang maiparating ang psychosocial support sa mga naulilang pamilya, sa mga sugatang mag-aaral, sa kanilang mga kaklase, guro, kawani ng paaralan, at sa mas malawak na komunidad ng San Jose.

Nananawagan ang mambabatas para sa isang masusi, mabilis at patas na imbestigasyon kung paano naganap ang trahedyang ito.

Gusto malaman ni Acidre kung paano nakapasok ang mga armas sa loob ng paaralan at kung anong mga hakbang ang dapat palakasin upang maprotektahan ang mga mag-aaral at mga tagapagturo.

Sinusuportahan ng TINGOG Party List ang mas malalakas at pangmatagalang hakbang para sa mas ligtas na mga paaralan: mas masinsinang koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan, mga magulang, mga barangay, pulisya, mga propesyonal sa kalusugan ng isip, at mga yunit ng lokal na pamahalaan.