Pic Source: PNP

3 patay, 7 sugatan, 2 huli sa Tacloban school shooting

446 Views
Pic1
Source: PNP

TATLONG estudyante ang nasawi habang pito pa ang nasugatan matapos ang isang insidente ng pamamaril sa loob ng San Jose National High School bandang alas-9 ng umaga nitong Lunes, ayon sa pulisya.

Naganap ang madugong pag-atake sa paaralan habang nagpahayag naman noong Linggo ang Philippine National Police (PNP) ng pagkabahala sa dalawang magkahiwalay na insidente ng pananaksak na kamakailan lamang ay naiulat sa loob ng mga paaralan sa lalawigan ng Cavite. Bagama’t itinuturing ang mga ito bilang magkakahiwalay na insidente, lalo pang pinaigting ng PNP ang seguridad sa lahat ng paaralan sa bansa.

Ayon sa paunang ulat ng Tacloban City Police Office, naganap ang pamamaril sa loob mismo ng San Jose National High School.

Dalawang suspek ang nasa kustodiya na ngayon ng lokal na pulisya. Kinilala sila bilang si “Nash,” isang 15-anyos na Grade 10 student mula sa Barangay 83 sa San Jose, at isang Grade 9 student na gumagamit ng alyas na “Rod.”

Narekober mula sa mga suspek ang dalawang baril: isang 9mm semi-automatic pistol at isang kalibre .38 revolver. Isasailalim ang mga ito sa ballistics examination. Napag-alamang ang 9mm pistol ay pagmamay-ari umano ng isang babaeng pulis na kamag-anak ng 15-anyos na suspek. Mahaharap sa kasong kapabayaan ang naturang pulis bilang resulta ng insidente.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Tacloban City Police Station 1 matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen at naaresto ang unang suspek. Ang ikalawang suspek na nakatakas sa lugar ay kalaunang sumuko sa pulisya matapos umanong mataranta.

Ayon sa mga saksi, nagsimulang magpaputok ang dalawang suspek mula sa bintana ng silid-aralan bago pumasok sa loob at muling nagpaputok. Hindi bababa sa 40 basyo ng bala ang narekober sa pinangyarihan.

Iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad kung may kaugnayan ang tinatawag na “youth violent extremism” at “bullying” sa likod ng madugong pag-atake. Hindi bababa sa apat na putok ng baril ang narinig habang makikita sa isang video na kuha ng hindi pa nakikilalang indibidwal ang mga estudyanteng umiiyak at sumisigaw ng saklolo.

Sa isa pang larawan, makikita ang isa sa mga suspek na may hawak na baril habang nakatutok sa hindi pa natutukoy na target.

Dinala sa isang lokal na punerarya ang mga labi ng tatlong nasawi upang isailalim sa awtopsiya at matukoy ang eksaktong mga sugat na kanilang tinamo.

Sa pitong nasugatan, tatlo ang nagtamo ng tama ng bala—isa sa kaliwang balakang, isa sa kanang balakang at kaliwang puwitan, at isa pa sa kaliwang paa.

Ang iba pa ay nagtamo ng mga minor injuries habang sinusubukang tumakas mula sa pinangyarihan.

Naganap ang insidente habang nagpahayag ng matinding pag-aalala si PNP chief na si Jose Melencio C. Nartatez Jr. hinggil sa mga kamakailang insidente ng pananaksak sa loob ng mga paaralan sa Cavite.

“Waláng puwang ang karahasan sa ating mga institusyong pang-edukasyon. Dahil dito, inaatasan ko ang lahat ng yunit ng pulisya na paigtingin ang police visibility, palakasin ang preventive patrols, magsagawa ng security assessments, at panatilihin ang malapit na koordinasyon sa mga school authorities, local government units, mga magulang, at iba pang stakeholders sa komunidad,” ani ng hepe ng PNP.

“Dapat nating gawin ang lahat ng nasa loob ng ating mandato upang matiyak na mananatiling ligtas, maayos, at angkop na kapaligiran para sa pag-aaral ang bawat paaralan,” dagdag niya.

Ayon kay Gen. Nartatez, ang dalawang insidente ng pananaksak na naganap noong Hunyo 16 at 19 at kinasasangkutan ng mga mag-aaral mula sa magkaibang paaralan ay itinuturing pa ring magkakahiwalay na kaso habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, kasabay ng paggalang sa mga karapatan at pribasiya ng mga menor de edad na sangkot.

Dahil dito, inatasan ng PNP chief ang lahat ng kinauukulang tanggapan ng pulisya na agad paigtingin ang kanilang presensya at magsagawa ng tuloy-tuloy na preventive patrols sa loob at paligid ng mga paaralan, lalo na sa oras ng pagpasok, recess, at uwian.

Inatasan din ang Police Regional Office 4-A at ang Cavite Police Provincial Office na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga hakbang na ito sa kanilang nasasakupan.

Iniutos din ni Gen. Nartatez ang masusing imbestigasyon sa mga insidente at ang mahigpit na pakikipag-ugnayan sa mga paaralan at lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad ng mga nararapat na hakbang sa pag-iwas sa kahalintulad na insidente, kabilang ang security assessments, perimeter checks, at mas mahigpit na access control sa loob ng mga paaralan.

Binigyang-diin din niya na patuloy pang palalakasin ang lahat ng umiiral na aksyon at interbensyon ng PNP upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente at higit pang mapatatag ang kaligtasan at seguridad sa mga paaralan.

“Muling ipinapaalala ng PNP na hindi katanggap-tanggap ang karahasan sa mga institusyong pang-edukasyon. Nananatili kaming nakatuon sa pakikipagtulungan sa lahat ng sektor upang matiyak ang ligtas, maayos, at angkop na kapaligiran sa pag-aaral para sa lahat ng mag-aaral,” ani ni Gen. Nartatez.

Samantala, sinabi ni PNP spokesperson na si Allen Rae F. Co na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang ulat na ang suspek sa isa sa mga insidente ng pananaksak sa General Trias, Cavite ay dumaranas umano ng depresyon.

“Isinailalim siya sa guidance counseling at psycho-social intervention. Ligtas na rin naman ang mga estudyanteng nasugatan,” aniya.

Sinabi rin ni Col. Co na inirekomenda nila sa Department of Education at sa mga pribado at pampublikong paaralan na paigtingin ang kanilang seguridad.

Kabilang dito ang pagkuha ng karagdagang mga guwardiya at, kung maaari, ang pagbili ng mga metal detector at maging mga x-ray machine upang matukoy ang mga taong may dalang nakamamatay na armas bago makapasok sa kanilang mga establisimyento.

“Bagama’t nauunawaan naming wala silang sapat na pondo para bumili ng mga kagamitang pangseguridad, maaaring makatulong ang mga barangay tanod sa pagsisiyasat sa mga estudyante at kanilang mga bag upang maiwasan ang pagpasok ng mga taong may dalang nakamamatay na armas sa loob ng paaralan,” ani Col. Co.

Dagdag pa ng tagapagsalita ng PNP, sinisiyasat din ng mga imbestigador ang mga ulat na isa sa mga suspek sa mga insidente ng pananaksak ay umano’y biktima ng bullying.

“Nananawagan kami sa ating mga guro at guidance counselors na maging mas aktibo sa pagtukoy sa mga estudyanteng nangangailangan ng gabay at suporta,” aniya.

Gayunman, nilinaw niya na hindi maaaring magsagawa ng pagpapatrolya sa loob ng mga paaralan ang mga armadong pulis. Nina ALFRED DALIZON & ZAIDA DELOS REYES