Calendar
Source: NDRRMC
Impact-based forecast ipapatupad ng PAGASA
MAGPAPATUPAD na ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ng bagong Impact-Based Forecast (IBF) para sa matitinding hangin simula ngayong Hulyo upang mas mapaghandaan ng mga lokal na pamahalaan at residente ang posibleng pinsalang dulot ng masamang panahon.
Ayon sa PAGASA, hindi lamang panahon ang ilalarawan ng bagong sistema kundi pati ang inaasahang epekto nito sa mga komunidad at ang mga hakbang na dapat gawin bago pa man tumama ang panganib.
Sinabi ni PAGASA Deputy Administrator Roy Badilla na layunin ng IBF na ipakita kung sino ang maaaring maapektuhan, gaano kalaki ang posibleng pinsala, at anong aksyon ang dapat isagawa ilang araw bago ang inaasahang pagdating ng matinding panahon.
Kasabay ng regular na weather forecast, advisory at bulletin ng PAGASA ilalabas ang bagong IBF upang magsilbing dagdag na gabay sa publiko at mga lokal na pamahalaan.
Sa ilalim ng Multi-Hazard Impact-based Forecasting and Early Warning System (MHIBFEWS), unang ipatutupad ang IBF para sa severe winds sa Tuguegarao, Legazpi, Palo sa Leyte, at New Bataan sa Davao de Oro.
Ayon naman kay PAGASA Weather Services at MHIBFEWS chief Thelma Cinco, target ding mailunsad sa buong bansa ang kaparehong Impact-Based Forecast para sa storm surge sa susunod na taon.
Sa bagong sistema, tinataya ang posibleng epekto ng malalakas na hangin, pagbaha, storm surge at rain-induced landslides batay sa antas ng panganib at kahandaan ng bawat lugar. Ang inaasahang epekto ay ikakategorya sa apat na antas: minimal (berde), minor (dilaw), significant (kahel), at severe (pula).
Naniniwala ang PAGASA na makatutulong ang IBF upang mas maagang makapaghanda ang mga komunidad sa pamamagitan ng preemptive evacuation, maagang pag-aani, pagpapatibay ng mga bahay, at agarang pagpapalabas ng emergency funds bago pa man tumama ang kalamidad.

