Permit

INC muling pinayagang magtipon sa QC

26 Views

MULING pinayagan ng Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS) ang Iglesia Ni Cristo (INC) na ipagpatuloy ang kanilang mapayapang pagtitipon sa kahabaan ng White Plains Avenue hanggang bukas, Hulyo 2, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-8:00 ng gabi.

Batay sa Memorandum of Undertaking na nilagdaan ng Quezon City Government at ng mga kinatawan ng INC, maaaring umabot sa 100,000 katao ang papayagang dumalo sa rally.

Nakapaloob sa kasunduan na sa White Plains Avenue lamang maaaring magtipon ang mga delegado at mahigpit na ipinagbabawal ang pagmamartsa patungo sa ibang lugar upang ipagpatuloy ang kilos-protesta.

Inatasan din ang mga organizer na tiyaking walang nakaparadang sasakyan sa bahagi ng EDSA at White Plains Avenue, habang ang entablado ay dapat ilagay sa layong 200 metro mula sa People Power Monument.

Maglalagay rin ng steel barriers sa staging area, habang ang mga medic ay manggagaling sa Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) at barangay.

Mahigpit ding ipinagbawal ang paninigarilyo at paggamit ng vape sa lugar ng pagtitipon, gayundin ang pagdadala ng mga plastic bottle at Styrofoam na lalagyan ng pagkain at inumin.

Babala rin ng DPOS, hindi papayagan ang anumang kilos na may kaugnayan sa rebelyon, insureksiyon, sedisyon o pag-uudyok sa mga ito. Ang sinumang lalabag ay maaaring arestuhin at paalisin sa lugar alinsunod sa umiiral na batas.

Nakasaad din sa permit na ang aktibidad ay dapat magtapos hindi lalampas sa alas-8:00 ng gabi ng Hulyo 2, maliban na lamang kung muling mabigyan ng panibagong pag-apruba ng pamahalaang lungsod.