3 estudyante sugatan sa pananaksak sa loob ng eskwelahan sa Zamboanga City

41 Views

TATLONG estudyante ang nasugatan matapos saksakin ng isa pang estudyante na umano’y biktima ng pambu-bully sa loob ng Cabaluay National High School nitong Miyerkules ng umaga sa Zamboanga City.

Naganap ang insidente dakong 8:30 ng umaga sa loob ng silid aralan .

Agad namang isinugod sa pagamutan ang tatlong biktima na pawang grade 11 students na may edad na 16 at residente ng Zone 5, Barangay Cabaluay sa nasabing lungsod.

Dinala naman sa kustodiya ng mga awtoridad ang 17-anyos na suspect na parehong grade 11 ng mga biktima.

Ayon sa ulat, ang unang biktima ay nagtamo ng saksak sa kaliwang bahagi ng tiyan, habang ang ikalawang biktima ay nagtamo ng mga sugat sa ibabang kaliwang bahagi ng likod, likurang bahagi ng ulo, at kanang braso.

Isa pang estudyante rin ang naiulat na nasugatan sa insidente.

Sa ngayon ay nasa stable condition na ang mga sangkot sa insidente.

Ayon sa paunang ulat, ang umano’y bullying ang isa sa mga tinitingnang dahilan na nagbunsod sa insidente.

Kaugnay nito, iniutos na ng Department of Education (DepEd) na paigtingin ang pagpapatupad ng school safety at child protection policies sa lahat ng paaralan .

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, prayoridad ng kagawaran ang paggaling ng dalawang sugatang mag-aaral at ang pagbibigay ng psychosocial support sa mga apektado.

Nanawagan din ang Schools Division Office ng Zamboanga City sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon upang maprotektahan ang mga menor de edad na sangkot at maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon habang isinasagawa ang imbestigasyon.