Calendar
Pulis na nag-viral sa INC rally, inalis sa pwesto
Pansamantalang inalis sa puwesto ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang pulis na nasangkot sa viral video kaugnay ng komprontasyon sa pagitan ng isang motorcycle rider at mga kalahok sa rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA malapit sa People Power Monument noong Hunyo 30.
Ayon kay QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, magsasagawa ng Pre-Charge Investigation upang alamin kung may pananagutang administratibo ang naturang pulis.
Habang isinasagawa ang imbestigasyon, inilipat muna ang pulis sa District Personnel Holding and Accounting Section (DPHAS) simula Hulyo 2. Isinuko na rin nito ang kanyang service firearm, Civil Disturbance Management (CDM) equipment, at iba pang government-issued properties.
Layunin umano ng agarang imbestigasyon na matiyak ang pagiging patas, transparent, at naaayon sa batas ng proseso upang matukoy ang buong katotohanan at ang posibleng pananagutan ng mga sangkot.

