Marcoleta

Ebidensya vs Marcoleta siya mismo ang naglatag

71 Views

SINABI ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na maaaring mauwi sa “reverse trial” ang plunder case na isinampa laban kay Senador Rodante Marcoleta, kung saan maaaring umasa ang mga piskal sa ebidensiyang si Marcoleta mismo umano ang naglatag.

Ayon kay Lacson, gumawa si Marcoleta ng tinawag niyang “admission against interest” nang aminin umano nito sa telebisyon na tumanggap siya ng cash donations para sa kanyang senatorial campaign noong 2025 habang nanunungkulan pa bilang kongresista, ngunit hindi niya ito idineklara sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures.

“REVERSE TRIAL: The prosecutor may just sit and watch with folded arms while the respondent argues against himself and the damning evidence that he himself presented in plain view of all the witnesses who watched his ‘admission against interest’ on national TV,” sinabi ni Lacson sa isang post sa X.

Sa panayam sa DZMM, tinanggihan ni Lacson ang mga paratang na ang kaso laban kay Marcoleta ay uri ng panggigipit, dahil aniya ay hindi na kinailangang maghanap ng ebidensiya ang mga imbestigador.

“Ang panggigipit, pinagpilitan hanapan ng ebidensya para makasuhan. Ito nga sabi ni Ombudsman Remulla, hindi na kami kailangang maghanap. Siya na nagpresenta ng evidence… Anong magiging panggigipit kung yan ang inaakusa nila sa Ombudsman o gobyerno o kanino man? Di naghanap ng evidence ang Ombudsman eh. Nalaglag sa lap nila ang evidence. (At) meron silang responsibility o mandate, pag ganyan motu proprio. Nandiyan na lahat,” sinabi ni Lacson.

Nagsampa ang Office of the Ombudsman ng kasong plunder laban kay Marcoleta at tatlo pang iba kaugnay ng umano’y hindi idineklarang campaign contributions na umaabot sa humigit-kumulang P75 milyon para sa kanyang kandidatura sa Senado noong 2025.

Sinampahan din ng Ombudsman si Marcoleta ng tatlong bilang ng paglabag sa Presidential Decree No. 46, na nagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na tumanggap ng regalo habang nanunungkulan.

Kinasuhan din sina dating Representative Michael Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray.

Ayon sa release, nagdeklara si Marcoleta ng net worth na P51 milyon noong nakaraang taon at iniulat na gumastos siya ng P112 milyon para sa kanyang kandidatura.

Sinabi rin ng release na inamin ni Marcoleta sa telebisyon na natanggap niya ang pondo sa tatlong tranche noong Enero 2025 mula sa mga donor, ngunit hindi niya ito idineklara dahil nais umanong manatiling anonymous ang mga donor.

Ipinunto ni Marcoleta na dahil natanggap niya ang pondo isang buwan bago magsimula ang opisyal na campaign period, naging “personal funds” na umano ang mga ito.

Ngunit iginiit ni Lacson na nilabag pa rin ni Marcoleta ang batas dahil opisyal siya ng pamahalaan noon bilang kinatawan ng SAGIP party-list sa House of Representatives.

“I guess Senator Marcoleta and his legal team thought they were being smart by being technical about when these contributions were made. Pero ang nakakatawa Mr. President ay, wala nang mas lilinaw sa sariling pag-amin ni Senator Marcoleta – tumanggap sya ng pera para magkaroon sya ng utang na loob sa mga taong iyon – isang maliwanag na Admission against Interest, ang sabi nga ng mga abogado,”sinabi ni Lacson sa kanyang privilege speech noong Marso.

Sinabi ni Lacson na maaaring maging sentro ng kaso ang mismong mga pahayag ni Marcoleta habang umuusad ang proceedings.