Calendar
Driver tumulong na sa rider, tinutukan pa ng baril
ARESTADO ang 43-anyos na rider nang tutukan ng baril ang school service driver na tumulong at nagmalasakit sa kanya nang sumemplang sa minamanehong motorsiklo Biyernes ng gabi sa Taguig City.
Sa takot ay napatakbo ang 40-anyos na biktima habang mabilis namang pumagitna ang kanyang bayaw upang awatin ang suspek na dahilan para makahingi ng tulong sa pulisya ang pamilya ng driver.
Kaagad namang nakapagresponde ang mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkakakumpiska sa kalibre .45 pistola na may walong bala sa magazine.
Sa ulat ni Taguig police chief P/Col. Julius Anonuevo, alas-8:30 ng gabi nang mawalan ng kontrol sa kanyang minamanehong motorsiklo ang suspek sa kanto ng 8th at 4th Streets, Brgy. Katuparan na dahilan ng kanyang pagsemplang.
Nang masaksihan ng biktima ang pangyayari, kaagad niyang tinulungan ang rider na maitayo ang motorsiklo at itinabi sa gilid ng kalsada nang bigla siyang lapitan at tutukan ng baril ng suspek.
Kasong Alarm and Scandal, Grave Threat, at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Taguig City Prosecutor’s Office.

