Sara1

Isasara bahagi ng Diokno Boulevard para sa impeachment trial ni VP Sara

66 Views

ISASARA sa karaniwang daloy ng mga sasakyan ang bahagi ng Diokno Boulevard sa Pasay City sa mga araw na may nakatakdang paglilitis sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, ayon sa advisory ng Senado bago ang pagsisimula ng proceedings sa July 6.

Sinabi ni Senate Secretary Renato Bantug Jr. na sakop ng pagsasara ang northbound at southbound lanes ng Diokno Boulevard mula Seaside Boulevard hanggang Atang dela Rama Street, simula Lunes, July 6, 2026.

Ayon sa Senado, ipatutupad ang hakbang kaugnay ng security arrangements para sa impeachment trial at alinsunod sa napagkasunduan sa isang inter-agency security coordination conference.

Mananatili ang pagsasara sa mga araw na may nakatakdang impeachment trial hanggang sa matapos ang paglilitis. Mananatili namang bukas sa publiko ang Diokno Boulevard tuwing weekend at sa mga weekday na walang nakatakdang impeachment trial.

Sa panahon ng road closure, limitado ang access sa apektadong bahagi sa mga senador, opisyal at empleyado ng Senado, opisyal at empleyado ng GSIS, non-organic officials at personnel na may opisina sa Senado, mga taong direktang sangkot sa impeachment proceedings, authorized government vehicles, at iba pang tao o sasakyang pinahintulutan ng Office of the Sergeant-at-Arms.

Ayon sa Senado, kailangang magpakita ng valid Senate identification card, security pass, o access pass ang mga opisyal, empleyado, at non-organic personnel na may opisina sa Senado kapag hiniling sa designated access control points.

Ang lahat ng iba pang sasakyan ay ireroute sa Macapagal Boulevard habang ipinatutupad ang road closure.

Nauna nang humingi ng paumanhin si Bantug sa mga motorista at publiko sa posibleng abalang dulot ng mga adjustment.

“Yan ang mga inconvenience at dyan hinihingi ako ng paunang paumanhin kung sakali ito mangyari,” sinabi ni Bantug.

Sa panayam sa DWIZ, sinabi ni Bantug na naghahanda ang Senado ng mga hakbang upang mapagaan ang daloy ng trapiko at paggalaw ng mga tao, ngunit kailangan pa ring bantayan ang aktuwal na sitwasyon kapag nagsimula na ang proceedings.

“Yan ang mga hakbang para mapagaan kung sakali ang daloy ng trapiko at daloy ng mga tao. Siyempre iba pa rin talaga pag actual na,” sinabi ni Bantug.S

inabi niya na imo-monitor ng mga opisyal ang mga kaganapan sa lugar, kabilang ang pagpapatupad ng security arrangements para sa impeachment proceedings.

“Kailangan pa rin natin malaman kung ano ang mga kaganapan, kung ano ang mga nangyari sa security arrangement,” sinabi niya.

Isinasagawa ang paghahanda habang nakatakdang magsimula ang proceedings ng Senate impeachment court sa July 6. Sinabi ni Bantug na ang iskedyul ay kasabay rin ng papalapit na pagbubukas ng 2nd regular session ng Kongreso.

“Opening na ulit ng 2nd regular session ng Congress. So nasabay-sabay po talaga,” sinabi ni Bantug.

Pinayuhan ng Senado ang publiko na planuhin ang kanilang biyahe at sundin ang traffic advisories at mga tagubilin ng law enforcement at traffic management personnel na naka-deploy sa lugar.

Sinabi ng Senado na ang karagdagang updates at anunsyo ay ilalabas sa official social media accounts ng Senate of the Philippines.